

MANILA — Sino ang magwawagi sa huling laro? Iyan ang tanong ng milyon-milyong fans matapos ilabas ng Netflix ang Season 3 ng “Squid Game” — ang final season ng global phenomenon mula South Korea — noong Hunyo 27, 2025.
Ang ikatlong season ng seryeng sumikat noong 2021 ay binubuo ng anim na episodes na siyang magsisilbing pangwakas na yugto sa kuwento ng 456 na players na pumasok sa isang brutal na laro kapalit ng 45.6 bilyong won o tinatayang $33.5 milyon.
Muling gaganap si Lee Jung-jae bilang si Seong Gi-hun, ang bida ng serye na ngayo’y muling humarap sa madugong laro. Kasama niya sa final season sina Lee Byung-hun (bilang Front Man), Wi Ha-jun, Kang Ha-neul, Yim Si-wan, Jo Yuri, Park Sung-hoon, Yang Dong-geun, Kang Ae-sim, Lee David, Roh Jae-won, at Park Gyu-young.
Sa unang anim na minuto ng episode 1, ipinakita si Gi-hun sa loob ng coffin box, buháy at muling binuksan ng Pink Guards. “You’re alive,” wika ni player No. 149 Jang Geum-ja (Kang Ae-shim) nang magkamalay si Gi-hun — isang simbolikong “muling pagsilang” sa mas mapanganib na laro.
Ayon kay Lee Jung-jae sa panayam ng Tudum.com, “When the coffin is opened, Gi-hun is reborn. He has to go back to the competition, play the game again, and make choices again.”
Ang final season ay tumutuon sa matinding banggaan ng paniniwala sa pagitan nina Gi-hun at ng Front Man. Ayon sa direktor na si Hwang Dong-hyuk, ang desisyon ng Front Man na buhayin si Gi-hun ay may malalim na layunin.
“He wants Gi-hun to really feel and understand the heavy price of his own mistakes… to finally give up his faith in humanity,” aniya.
Dagdag ni Lee Byung-hun, “Front Man wants to dismantle the noble belief that Gi-hun holds on to… He believes that Gi-hun will inevitably change to think just like him.”
Ang Season 1 ng Squid Game ang kasalukuyang pinakapinapanood na palabas sa Netflix na may 265.2 milyon views o 2.2 bilyong oras na pinanood sa loob ng unang 91 araw.
Usap-usapan ngayon kung malalampasan ng Season 3 ang rekord na ito, lalo na’t inaabangan na ang sagot sa tanong na: Hanggang saan ang kayang ibuwis ni Gi-hun para sa katotohanan — at para sa kanyang paniniwala?