CLASSROOM OBSERVATION, REFORMED! Hindi buburahin, pero babaguhin! Nilinaw ng DepEd na mananatili ang classroom observation bilang tool para sa pag-angat ng kalidad ng turo, pero sisiguraduhin nilang hindi na ito "high-stakes." Mas modernong approach at kapakanan ng guro ang priority ngayon. (DepEd photo)
BINIGYANG-DIIN ng Department of Education (DepEd) na mananatili ang classroom observation sa mga pampublikong paaralan, ngunit tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na sasailalim ito sa mga reporma upang maging “mas makatao” at hindi magsilbing pabigat sa mga guro.
Sa kabila ng mga panawagan mula sa sektor ng mga guro na itigil ang nasabing polisiya, nilinaw ng DepEd na hindi sila patungo sa complete suspension. Ayon sa kagawaran, mahalagang tool ito para sa pagpapataas ng kalidad ng pagtuturo at pagpapabuti ng kaalaman ng mga mag-aaral kung gagawin sa tamang paraan.
Ipinaliwanag ng DepEd na ang layunin ng obserbasyon ay hindi para manito o magparusa (punitive), kundi upang magbigay ng suporta at pagkakataon para sa pagtutulungan ng mga magkakasama sa propesyon (peer-to-peer collaboration).
“Hindi namin sinasuspinde ang classroom observation dahil mahalaga ito sa teaching quality at learner outcomes. Ang binabago namin ay ang sistema—mula high-stakes, papunta sa mas makatao at supportive na approaches,” pahayag ni Secretary Angara.
Dahil sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na alagaan ang mga guro, ilalabas na ang mga bagong istilo ng pagmamasid na hindi nakaka-pressure gaya ng mga mabilisang “walkthrough” na tatagal lamang ng lima hanggang sampung minuto at ang paggamit ng “instructional rounds” kung saan magtutulungan ang mga magkakasama sa propesyon. Magkakaroon din ng feedback na base sa datos at hindi sa bugso ng damdamin, habang ang full classroom observation naman ay isasagawa na lamang kung talagang kailangan.
Pinuri rin ni Angara si Teacher Agnes Buenaflor at ang iba pang mga gurong naglakas-loob na maglabas ng hinaing dahil ito ang naging mitsa para baguhin ang sistema mula sa pagiging “high-stakes” patungo sa pagiging “teacher-centered.”
Binigyang-diin ng kalihim na malinaw ang bilin ng Pangulo na dapat alagaan ang mga guro habang patuloy na bukas ang DepEd sa mga feedback para sa ikabubuti ng pagtuturo sa buong bansa. (Arnold Pajaron Jr)
