Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa malagim na pagguho ng basura sa isang pribadong landfill sa Barangay Binaliw.
Sa loob ng 24-oras na operasyon, umakyat na sa tatlo (3) ang kumpirmadong patay habang 36 pa ang patuloy na pinaghahanap.
Sa huling ulat ni Mayor Nestor Archival nitong Biyernes ng gabi, Enero 9, 2026, kinumpirma ang pagkarekober sa dalawa pang bangkay mula sa ilalim ng gumuhong istruktura at bundok ng basura.
Ayon sa mga awtoridad, ang ikalawang bangkay na nakuha bandang 4:45 ng hapon ay kinilalang isang 25-anyos na sub-contract engineer ng Prime Waste Solutions, ang kumpanyang nagpapatakbo ng naturang pasilidad.
Sundan nito, bandang 6:35 ng gabi, narekober naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cebu City ang bangkay ng isang babae.
Ayon sa ulat, dinala na ang labi sa PNP Forensics para sa pormal na pagkilala at pagsusuri.
Batay sa huling validation ng lokal na pamahalaan, kabilang sa 36 na nawawala ang 31 direct employees ng Prime Waste Solutions, 5 ay mga empleyado ng isang subcontractor.
Inilarawan ang insidente bilang isang “landslide” ng basura kung saan ang tumpok ng mga dumi na kasing-taas ng bundok ay bumagsak sa isang gusali sa loob ng pasilidad. Dahil dito, naipit ang mga manggagawa sa ilalim ng guho at makapal na basura.
Tiniyak naman ni Mayor Archival na lalo pang paiigtingin ang search and rescue operations upang mahanap ang nalalabi pang 36 katao, habang binibigyang-diin ang kaligtasan ng mga rescuer dahil sa delikadong kondisyon ng lupa at hangin sa lugar. (Boyet Barba Jr)
