Ilang araw matapos arestuhin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang retiradong heneral dahil sa panawagang patalsikin ang administrasyon, isa namang aktibong opisyal ng hukbo ang tinanggal sa tungkulin matapos hayagang iurong ang kanyang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinumpirma ng Philippine Army (PA) ang pagkakasibak kay Colonel Audie Mongao, isang opisyal na may 34 na taon sa serbisyo. Bago ang kanyang pagkakasibak, nagsilbi si Mongao bilang Director ng Training Development Center, ang yunit na responsable sa paghubog ng mga bagong sundalo.
Nag-ugat ang kontrobersya sa isang social media post ni Mongao kung saan muli niyang pinagtibay ang kanyang katapatan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Konstitusyon, ngunit tahasang tinira ang Pangulo.
“He has lost his moral ascendancy to lead the Armed Forces as Commander in Chief and govern the Filipino people as President of the Republic,” aniya sa post.
Tinapos ni Mongao ang kanyang pahayag gamit ang mga katagang, “Sobra na, tama na!” at “The Filipino people are worth fighting for… Mabuhay ang Pilipinas!”
Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, iniutos na ng Commanding General ng Philippine Army ang agarang pagkakasibak kay Mongao. Kasalukuyan siyang nasa ilalim ng Administrative/Unassigned (A/U) status habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon ng Training Command.
Bumuo na rin ng probe team para kumpirmahin kung si Mongao nga ba mismo ang nasa likod ng naturang online post.
Sa kabila ng mabigat na alegasyon, inihayag ni Army Training Command chief Major General Michael Logico na hindi pa nila makausap ang opisyal simula nang lumabas ang post dahil kasalukuyan itong naka-New Year’s break. “Investigation is underway to determine possible administrative and legal charges,” ani Logico.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na responsibilidad pa rin niya ang opisyal at sinisikap nilang maabot ito upang mag-abot ng “emotional support.”
