Umabot na sa 724 deboto ang sinaklolohan ng Philippine Red Cross (PRC) sa kasagsagan ng Traslacion at Pista ng Itim na Nazareno, base sa huling ulat ngayong alas-5:00 ng hapon, Enero 9, 2026.
Sa gitna ng siksikan at init, mahigit kalahati sa mga pasyente o 385 indibidwal ang kinailangang i-monitor ang blood pressure at vital signs. Nasa 315 naman ang nakaranas ng minor cases gaya ng pagkahilo, gasgas, pilay, at maliliit na sugat.
Hindi naging biro ang ilang kaso matapos itakbo sa iba’t ibang ospital ang 14 na deboto. Apat sa mga ito ang dinala sa PGH dahil sa pagiging unresponsive, matinding sakit ng ulo, at pananakit ng dibdib.
May mga dinala rin sa Tondo Med dahil sa rib fracture, habang dislocation at bali sa buto naman ang idinulot ng tulakan sa iba pang biktima na isinugod sa Jose Reyes at Philippine Orthopedic Center.
Sa itinayong Emergency Field Hospital (EFH) ng PRC, 36 na pasyente ang dumaan sa mabilisang gamutan, kung saan karamihan ay mga walk-in na deboto at ang iba ay dinala ng ambulansya.
Bukod sa medikal na aspeto, abala rin ang PRC Welfare Desk sa pag-asikaso sa 2,072 indibidwal. Namigay ang grupo ng 1,975 food packs para sa mga gutom na deboto, habang 61 naman ang sumailalim sa Psychosocial First Aid dahil sa stress o trauma sa gitna ng selebrasyon. May apat din na katao ang tinulungang mahanap ang kanilang mga kasama sa pamamagitan ng tracing service.
Todo-papuri naman si PRC Chairman Richard Gordon sa 1,262 staff at volunteers na walang pagod na nagsilbi simula pa kahapon. All-out ang deployment ng PRC ngayong taon na may kasamang 19 na ambulansya, 17 First Aid Stations, mga rescue boat, at maging isang Humvee para masigurong mabilis ang saklolo.
“Ang operasyong ito ay naging posible dahil sa ating mga selfless staff at volunteers na nagsisilbi nang may malasakit. Salamat sa pagpapakita ng tunay na diwa ng humanidad,” pahayag ni Gordon. (ARNOLD PAJARON JR)
