MAS makabubuti para sa mga magsasaka ang panukala ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na magtakda ng P5 kada kilo na support price para sa palay, kaysa ang pagbibigay ng subsidyong magpapatupad sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing P20 kada kilo ang bigas.
Ayon kay SINAG executive director Jayson Cainglet, ang kasalukuyang farmgate price ng palay na P10 hanggang P12 kada kilo ay mas mababa pa kaysa sa tinatayang production cost na nasa P12 hanggang P14 kada kilo, base sa kalkulasyon ng Department of Agriculture (DA). Mas mababa rin ito kumpara sa buying price ng National Food Authority (NFA) na nasa P17 hanggang P30 kada kilo, depende sa kalidad at moisture content ng palay.
“Kung kayang mag-subsidize ng gobyerno ng P15 kada kilo para sa bente pesos na bigas, maliit na hamak ang P5 kada kilo support price,” ani Cainglet.
Binigyang-diin ng SINAG na ang panukala ng DA na palawigin ng 15 hanggang 30 araw ang import suspension ay hindi solusyon, dahil tatakbo ang peak harvest season hanggang Nobyembre.
Iminungkahi rin ng grupo na ibalik sa dating antas ang taripa sa imported rice, 35% para sa ASEAN countries at 50% para sa non-ASEAN nations, upang matulungan ang mga lokal na magsasaka na nahihirapang makipagsabayan sa murang imported rice.
Babala ni Cainglet, lalo pang babagsak ang farmgate price kapag pumasok ang kasagsagan ng anihan sa Oktubre.
Ayon pa sa SINAG, hindi ramdam ng mga magsasaka ang suspensyon ng importasyon dahil patuloy ang mga rice importers, habang may ilang traders na tumigil sa pagbili ng palay.
Bagama’t may mataas na buying price ang NFA, limitado ang kakayahan nitong sumalo ng ani at tinatayang 2% lamang ng kabuuang harvest ang kaya nitong bilhin. Dagdag pa rito, mas pinipili ng mga magsasaka na magbenta sa mga pribadong trader na direktang pumupunta sa kanilang bukirin, kumpara sa pagbibiyahe pa ng palay sa NFA warehouses na nangangailangan ng mahabang proseso at matagal bago makuha ang bayad.
Sa ilang lugar, nagdedeply ang NFA ng maliliit na trak upang direktang makabili mula sa mga magsasaka, ngunit nananatili itong limitado.
Giit ng SINAG, agarang suporta ang kailangan ng mga magsasaka upang hindi sila malugi sa gitna ng murang imported rice at bumababang farmgate price.
Anila, ang pagbibigay ng P5/kilo na subsidy sa palay ang higit na makatuwirang hakbang upang maprotektahan ang lokal na produksyon at kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka.
