Isang dating aide ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang nag-ugnay kay dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa umano’y maanomalyang flood control projects na pinagmulan ng milyun-milyong pisong kickbacks.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inamin ni Orly Regala Guteza, dating security consultant ni Co, na ilang beses siyang naatasang magdala ng mga maletang puno ng pera, tinatawag nilang “basura,” na nagkakahalaga umano ng humigit-kumulang P48 milyon bawat isa.
Ayon kay Guteza, ang mga maleta ay una raw dinadala sa bahay ni Co sa Valle Verde 6, Pasig, kung saan umano binibilang ng mga executive assistant nitong sina John Paul Estrada at Mark Tecsay. Matapos bilangin, inililipat naman umano ang ilan sa mga ito patungong Horizon Residences sa Bonifacio Global City, kung saan nakatira si Co.
Ani Guteza, hindi lahat ng “garbage” ay nananatili kay Co. Sa ilang pagkakataon, bahagi raw nito ay inihahatid sa bahay ni Romualdez sa Taguig.
“Halimbawa, kung 46 na maleta ang dinala namin, 35 lamang ang bumababa para dalhin sa bahay ni Speaker Romualdez sa McKinley Street, Taguig. Ang natira ay kay Congressman Co,” aniya.
Mariin namang itinanggi ni Romualdez ang akusasyon, iginiit na “pawang kasinungalingan” ang testimonya laban sa kanya at itinuring itong gawa-gawa lamang upang pilit siyang idawit sa isyu.
Binigyang-diin pa niya na ang tinukoy na bahay sa Taguig ay nasa ilalim ng renovation mula pa Enero 2024.
Bukod kay Romualdez, idinawit din ni Guteza si Benguet Rep. Eric Yap, na umano’y nagdala ng 46 maleta ng pera sa tahanan ni Co.
Samantala, hinihintay pa ang opisyal na tugon mula sa kampo ni Romualdez hinggil sa naturang mga alegasyon.
