Mariing pinabulaanan ng isang abogado ang umano’y pekeng affidavit na iniuugnay kina Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez hinggil sa mga maletang naglalaman ng pera na diumano’y ipinapadala sa kanilang mga tirahan.
Sa isang liham na may petsang Setyembre 25, 2025, iginiit ni Atty. Petchie Rose G. Espera na hindi siya kailanman lumagda, nag-notaryo, o nakibahagi sa paggawa ng dokumentong iniharap sa Senate Blue Ribbon Committee ni Orly Regala Guteza, dating bodyguard ni Co.
“I categorically deny notarizing, signing, or participating in the preparation of the said document. The signature and notarial details attributed to me are falsified and unauthorized,” ani Espera, sabay diin na ang paggamit ng kanyang pangalan at notarial seal ay “spurious, fraudulent, and injurious” sa kanyang reputasyon bilang abogado at notaryo publiko.
Ayon sa kinukwestiyong affidavit, sinabi ni Guteza na nagdala si ACT-CIS Rep. Eric Yap ng 46 na maleta ng pera sa tahanan ni Co sa Valle Verde, Pasig. Dagdag pa niya, inilipat umano ang mga maleta sa penthouse ni Co sa Shangri-La at the Fort, Bonifacio Global City, at sa mansion ni Romualdez sa Forbes Park.
Lumabas si Guteza sa pagdinig ng Senado sa imbitasyon ni Sen. Rodante Marcoleta, matapos umano siyang ipakilala ng dating kongresista Mike Defensor.
Nagtaas ng kilay ang ilan sa papel ni Defensor, na dati nang naiuugnay sa kontrobersyal na whistleblower na si Antonio Luis Marquez, o mas kilala bilang “Ador Mawanay.”
Noong 2001, si Marquez ay nagbato ng maling akusasyon laban kay dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson tungkol sa umano’y daang milyong dolyar na nakadeposito sa mga banyagang bangko.
Kalaunan ay binawi ni Marquez at ng noo’y ISAFP chief Victor Corpus ang kanilang mga pahayag, at humingi ng paumanhin kay Lacson sa pambansang telebisyon.
Sa ngayon, nananatiling palaisipan kung sino ang nasa likod ng paggamit ng pangalan ng abogado at kung may kaugnayan ito sa muling pagbubukas ng isyu ng flood control kickbacks. (KOJIN BOGART JR)
