PINANGUNAHAN ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang panunumpa ng mga bagong promoted at appointed na tauhan ng ahensiya sa buong bansa nitong Setyembre 25.
Sa kabuuan, 188 uniformed at 11 civilian personnel ang na-promote, habang 134 Corrections Officers, 95 Corrections Technical Officers, at 20 civilian personnel naman ang pormal na nanumpa sa kanilang tungkulin.
“Itong kaganapan ay hindi lamang mahalaga para sa mga indibidwal na sangkot, kundi para sa buong ahensya na patuloy na pinalalakas ang workforce sa hangarin ng hustisya at rehabilitasyon,” ani Catapang.
Binigyang-diin niya na ang promosyon at bagong appointment ay bahagi ng pagpapalakas ng kapasidad ng BuCor upang mas mahusay na matugunan ang mga hamon ng corrections work.
“As newly appointed and promoted personnel, you carry the responsibility of upholding the standards of the BuCor. Ayusin ninyo ang pagtatrabaho at makakaasa kayo na aalagaan namin kayo pati na ang pamilya ninyo,” pahayag ni Catapang.
Kasabay nito, mahigpit niyang pinaalalahanan ang mga tauhan na huwag malulong sa korapsyon sapagkat ito’y magdudulot lamang ng kanilang pagbagsak.Ayon kay Catapang, ang tuloy-tuloy na promosyon at recruitment sa BuCor ay kaakibat ng mga reporma para sa modernisasyon ng ahensya at pagpapabuti ng kalagayan ng mga kawani at mga bilanggo. (MINA PADERNA)
