Tatlong kababaihang Filipina mula Pasay City ang pormal na nagsampa ng reklamo laban sa isang umano’y sindikato ng human trafficking na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa kapalit ng malaking placement fee.
Batay sa 20-pahinang reklamo na nakarating sa Department of Justice–National Prosecution Service (DOJ-NPS), kinasuhan ng qualified trafficking in persons sina Adel En Nouri, isang Italian national na nagpakilalang corporate executive ng Harrods sa London, at ang mga kasabwat nito na sina Raffaela Razon, Krizia Ann Geronda Loyang, Ricardo Evangelista Fernandez, at Joshua Sy Lim ng Nouri International Placement Agency.
Sa kanilang sinumpaang salaysay, sinabi ng mga biktima na nakita nila ang isang Facebook post ng Nouri International Placement Agency na nag-aalok ng trabaho bilang domestic helper sa London. Dahil sa matinding pangangailangan, agad silang nagpakita ng interes at nakipagkita sa mga kinatawan ng ahensya sa isang coffee shop sa Maynila.
Ayon sa mga biktima, pinangakuan silang tatanggap ng P80,000 buwanang sahod, libre ang board at lodging, at kinakailangang mag-recruit pa ng ibang aplikante. Ngunit bago makaalis, siningil sila ng P100,000 placement fee at karagdagang P50,000 para sa airfare.
Sa kalaunan, natuklasan ng mga biktima na ang opisina ng ahensya sa Bacoor, Cavite ay isang residential house kung saan sila pinilit na gumawa ng gawaing bahay bilang umano’y “internship.”
Bukod dito, inireklamo rin nila na sila ay pinilit gumawa ng mahahalay na gawain sa harap ng kamera, na pinapanood umano mismo ni Nouri sa pamamagitan ng video call.
Ayon sa salaysay, ito ay isinagawa sa ilalim ng pananakot ng armas ng isa pang akusado.
Matapos makatakas, agad na nagsumbong sa mga awtoridad ang tatlong biktima.
Lumabas din na si Nouri ay may nakabinbing kaso na sa Pasay City Prosecutor’s Office, kaugnay sa kaparehong reklamo ng dalawang Pilipina na pinilit ding magpakita sa online “lewd shows.”
Dahil dito, nananawagan ang mga naunang biktima kay Ambassador Markus Lacanilao, Special Envoy on Transnational Crime, na makipag-ugnayan sa Interpol para sa Red Notice laban kay Nouri at mga kasabwat nito.
Sa ngayon, nakabinbin pa ang nasabing kahilingan. (KOJIN BOGART JR)
