Mas pinalapit pa ng Government Service Insurance System (GSIS) ang kanilang mga serbisyo para sa mga miyembro at pensyonado sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang mall-based Ginhawa Service Hubs sa mga pangunahing commercial centers sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Maaari nang dagsain ng mga miyembro at pensioner ang mga frontline services ng GSIS sa Festival Mall sa Alabang, Robinsons Galleria sa Ortigas, Robinsons Novaliches, Robinsons Place Dasmariñas, at SM Mall of Asia sa Pasay City.
Layunin ng hakbang na ito na maging mas madali, mabilis, at accessible ang transaksyon para sa mga indibidwal na nahihirapang pumunta sa mga regular na sangay ng GSIS tuwing oras ng trabaho.
Ayon kay GSIS President and General Manager Wick Veloso, layon nilang dalhin ang serbisyo kung nasaan ang mga tao upang hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ng mga miyembro at pensyonado para lamang sa kanilang mga pangangailangan.
BASAHIN: DATING DBM CHIEF ROLANDO TOLEDO, ITINALAGANG TRUSTEE NG GSIS
Sa pamamagitan ng mga hub na ito sa loob ng mall, mas nagiging maginhawa at mabilis ang bawat transaksyon.
Kabilang sa mga serbisyong maaaring makuha sa mga mall hubs ang tulong at pagpaparehistro sa GSIS Touch mobile app, pag-asikaso sa Annual Pensioners Information Revalidation o APIR, mga inquiry sa loan at claims, pagpasa ng mga dokumento, at pag-usisa ukol sa Lease with Option to Buy at Housing Accounts Restructuring and Condonation Program.
Bukod dito, bukas din ang mga hub para sa non-life insurance inquiries, pag-tsek ng status ng mga aplikasyon, at iba pang tulong para sa mga miyembro.
Ang pagbubukas ng mga service hub sa mga matataong lugar ay bahagi rin ng digital transformation ng GSIS, kung saan hinihikayat ang publiko na gumamit ng kanilang mga digital platform tulad ng GSIS Touch app.
Dahil maaaring magkaiba ang iskedyul at mga serbisyong available sa bawat mall, pinapayuhan ng pamunuan ng GSIS ang mga miyembro na subaybayan ang kanilang opisyal na social media pages para sa mga pinakahuling advisory at oras ng operasyon.
