Pormal nang lumagda sa isang makasaysayang kasunduan ang Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang Bell-Kenz Pharma, Bell-Kenz Foundation, at Premiere Medical and Cardiovascular Laboratory, Inc. upang palakasin ang serbisyong medikal at kahandaan sa emergency ng mga tauhan ng Coast Guard at ng kanilang pamilya.
Layunin ng malawakang ugnayan na ito na magbigay ng mas dekalidad na tulong-medikal, paghahanda sa mga sakuna, at mga programang pangkalusugan (preventive healthcare) para sa mga aktibo at retiradong miyembro ng ahensya.
Sa ilalim ng kasunduang ito, makatatanggap ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng mga pribilehiyo tulad ng may bawas na bayad sa medikal na konsultasyon, diskwento sa mga gamot, at mas pinagandang serbisyong diagnostic.
Bukod dito, ginawang opisyal ng programa ang pagbibigay ng tulong-kalusugan para sa mga retiradong tauhan ng PCG bilang pagkilala at pasasalamat sa kanilang buhay na inilaan sa paglilingkod sa karagatan ng bansa.
Bilang bahagi ng kasunduan, magdo-donate ang Bell-Kenz Pharma ng isang semi-automated blood chemistry analyzer upang mapalakas ang kakayahan ng PCG sa mga laboratory test.

Magbibigay din sila ng isang Automated External Defibrillator (AED) para sa mga emergecy.
Maglulunsad din ng mga Continuing Medical Education (CME) programs para sa mga medikal na doktor at practitioner ng Coast Guard upang matiyak na updated ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pinakabagong medical practices.
Ayon kay Dr. Luis Raymond T. Go, Medical Director ng Bell-Kenz Pharma, ito ang kauna-unahang pagkakataon na gumawa ang kanilang kumpanya ng ganitong uri ng adbokasya para sa mga frontliners ng bansa.

“Higit pa sa pagbibigay ng gamot, ang partnership na ito ay sumasalamin sa aming tunay na commitment sa kalusugan ng mga kalalakihan at kababaihan ng Phil. Coast Guard, ng ating mga matatapang na beterano, at ng kanilang mga pamilya,” ani Dr. Go.
BASAHIN: Bell-Kenz Pharma, nag-deploy ng mga AED sa mga transport frontliners para sa Holy Week
Lubos naman ang pasasalamat ng pamunuan ng Coast Guard sa tulong na ipinaabot ng mga pribadong sektor.
“Ang kalusugan ng aming mga tauhan ay may direktang epekto sa aming kakayahan na isagawa ang aming mga misyon,” pahayag ni Vice Admiral Allen J. Dalangin.
Sinundan naman ito ni Rear Admiral Oliver Sy Tanseco, Coast Guard Inspector General na sinabing, “Ang tulong ng mga komunidad na aming pinaglilingkuran sa pamamagitan ng mga ganitong partnership ay lubos na nagpapatatag sa aming misyon na tiyakin ang kapakanan at kahandaan ng aming mga kasamahan sa serbisyo.”
Ang pagtitipon ay dinaluhan at nilagdaan nina Dr. Luis Raymond T. Go (Medical Director, Bell-Kenz Pharma), Dr. James F. Cayetano (President, Bell-Kenz Foundation), Henry C. Lim (President, Premiere Medical and Cardiovascular Laboratory), Vice Admiral Allen J. Dalangin (PCG) at Rear Admiral Oliver Sy Tanseco (Coast Guard Inspector General at Commander ng PCG-SAICT).
Sinaksihan naman ang nasabing seremonya nina Patrick S. Larraga (Corporate Communications Head ng Bell-Kenz Pharma) at Reggie D. Genova (Managing Director ng Bell-Kenz Foundation).
