Mainit na tinanggap ng Government Service Insurance System (GSIS) ang pagkakatalaga kay Rolando Toledo bilang bagong miyembro ng Board of Trustees nito.
Kasabay nito, nagpaabot din ng pasasalamat ang state pension fund sa nagretirong Trustee na si Beatriz Torno para sa kanyang mahabang taon ng tapat na paglilingkod sa bayan.
Ayon sa GSIS, ang balasahang ito ay bahagi ng patuloy na pagpapatatag ng pamamahala ng institusyon upang mas mapabuti pa ang mga serbisyo para sa mga miyembro at pensyonado nito.
Isang Certified Public Accountant (CPA) si Toledo na nagtapos ng graduate studies sa Development Economics sa University of the Philippines (UP) at may master’s degree sa National Security Administration mula sa National Defense College of the Philippines (NDCP).
Si Toledo, na dating nagsilbi bilang Acting Secretary ng Department of Budget and Management (DBM), ay may halos apat na dekada nang karanasan sa gobyerno sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon.
Kilala siya sa kanyang malawak na kaalaman sa fiscal policy, pagpaplano ng badyet, pamamahala ng organisasyon, at mga programa para sa episyenteng pamahalaan.
“Malaki ang tiwala namin sa kakayahan ni Trustee Rolando Toledo na gabayan ang GSIS nang may husay, propesyonalismo, at malalim na pag-unawa sa pamamahala. Ang kanyang karanasan sa pampublikong sektor ay malaki ang maitutulong sa ating digital transformation, pagpapabuti ng serbisyo, at pagtiyak sa katatagan ng pondo ng GSIS sa mahabang panahon,” ani Veloso.
BASAHIN: TESDA NCR, TINIPON ANG PINAKAMAGAGALING NA TECH-VOC TALENTS PARA SA WORLDSKILLS 2026
Inihayag ni GSIS President and General Manager Wick Veloso ang kanyang buong tiwala sa kakayahan ni Toledo, lalo na ngayong sumasailalim ang ahensya sa modernisasyon.
Sa kabilang banda, hindi naman nakalimutan ng GSIS na bigyang-pugay si Trustee Beatriz Torno.
Bago ang kanyang stint sa GSIS, si Torno ay isang iginagalang na guro at career public servant na nagsilbi sa Department of Education (DepEd) sa loob ng maraming dekada, kabilang ang pagiging Regional Director ng Central Luzon bago nagretiro noong 2019.
Kinilala ng GSIS ang naging kontribusyon ni Torno sa pagbibigay ng mahahalagang perspektibo sa board, partikular na sa mga isyung may kinalaman sa kapakanan ng mga pensyonado at mga kawani ng gobyerno.
“Naglingkod si Trustee Torno nang may karunungan, propesyonalismo, at mataas na antas ng tungkulin,” dagdag ni Veloso. “Laging ipagpapasalamat ng GSIS ang kanyang gabay at ang ehemplong ipinakita niya bilang isang educator at lingkod-bayan.”
Sa pagpasok ni Toledo sa Board, tiniyak ng GSIS na mananatili silang tapat sa paghahatid ng mabilis, maaasahan, at madaling madaling ma-access na serbisyong “Ginhawa” para sa lahat ng mga miyembro at pensyonado sa buong bansa.
