Pormal nang binuksan ng Technical Education and Skills Development Authority – National Capital Region (TESDA NCR) ang WorldSkills Philippines–National Capital Region 2026 ngayong araw, Mayo 25, 2026.
Sunod-sunod na magpapakitang-gilas ang pinakamagagaling na young talent sa larangan ng technical-vocational (tech-voc) sa rehiyon upang ipamalas ang galing, inobasyon, at kakayahang Pinoy na pang-international.
Sa ilalim ng temang “ONE NCR: Skilled, Dynamic, and Future-Ready,” ang patimpalak na ito ang magsisilbing opisyal na qualifying platform para sa WorldSkills Philippines 2026 National Competition.
Ginanap ang opening ceremony sa TESDA Multipurpose Gymnasium sa Taguig City, habang nakatakda naman ang closing ceremony sa Mayo 29, 2026.
Pinangunahan nina TESDA Director General Jose Francisco “Kiko” Benitez at TESDA NCR Regional Director Angelina M. Carreon ang okasyon, na dinaluhan din ng mga lider mula sa gobyerno, industriya, at Technical-Vocational Education and Training (TVET) sector.
Aabot sa 120 competitors ang maglalaban-laban sa 35 skills areas sa ilalim ng anim na pangunahing sektor.
Sila ay gagabayan at susuriin ng 98 eksperto mula sa iba’t ibang industriya at training institutions.
BASAHIN: DEKALIDAD NA EDUKASYON SA LOCAL UNIVERSITIES AT COLLEGES ISINUSULONG NI GATCHALIAN
Kabilang sa mga feature disciplines ang Artificial Intelligence (AI), Cybersecurity, Mechatronics, at Additive Manufacturing. Magpapasiklaban din ang mga kalahok sa Graphic Design, Web Technologies, Automobile at Electric Vehicle Technology, Electrical Installations, at Fashion Technology.
Bukod dito, binibigyang-pansin din sa kompetisyon ang mga makabagong larangan tulad ng Artificial Intelligence, Game Programming at Prototype Modeling.
Ayon sa TESDA NCR, patunay ito ng kanilang commitment na iakma ang TVET sa mabilis na pagbabago ng Fourth Industrial Revolution.
Ayon kay Regional Director Angelina M. Carreon, ang paglahok ng 76 na industry partners at sponsors ay nagpapakita ng matatag na tiwala ng pribadong sektor sa TVET bilang susi sa pag-unlad ng ekonomiya at kakayahan ng mga manggagawa.
Napatunayan na ng TESDA NCR ang kanilang husay sa paghubog ng mga kampeon.
Sa katunayan, ang Graphic Design expert na si Demetrio Pable at ang gold medalist ng 2025 WorldSkills ASEAN Manila na si Hannah Krystelle Caintic ang pormal na magrerepresenta sa Pilipinas sa gaganaping 48th WorldSkills Competition sa Shanghai, China ngayong Setyembre 2026.
Makakasama nila rito ang nasa 1,400 kalahok mula sa 73 bansa.
Sa pamamagitan ng WorldSkills Philippines–NCR 2026, patuloy na itinataguyod ng TESDA NCR ang kahusayan sa kasanayan at binibigyang-lakas ang susunod na henerasyon ng mga propesyonal na Pinoy.
