June 17, 2025

SARA, ILITIS SA IMPEACHMENT! 8 SA 10 PINOY GUSTONG HARAPIN NI VP ANG MGA PARATANG

Di na nagpaliguy-ligoy pa ang taumbayan: 8 sa 10 Pinoy ang gustong tuluyang ilitis si Vice President Sara Duterte sa impeachment court para harapin ang sunud-sunod na paratang ng katiwalian, paglabag sa Konstitusyon, at pagtataksil sa tiwala ng bayan.

Batay sa survey ng OCTA Research na isinagawa noong Abril 20–24 sa 1,200 katao mula Luzon, Visayas, Mindanao, at NCR, lumitaw na 78% ang nagsabing dapat ituloy ang impeachment trial, habang 13% lang ang kontra at 9% ang undecided.

Bagamat handa umano ang kampo ni Duterte sa trial, tinawag nila itong “politically motivated” at “may depektong konstitusyonal.”

“Iniuulit namin ang aming matatag na paninindigan na ang impeachment — lalo na ang ikaapat na reklamo — ay may malubhang depekto sa Konstitusyon,” saad ng legal team ng Bise Presidente.

Pero sa mata ng bayan? Panagutin!

Ayon sa OCTA, malinaw ang mensahe ng publiko: “Gusto namin ng due process, hindi ng delay!”

“Ipinapakita ng resulta ang matibay na suporta ng publiko sa pagpapanagot at due process para harapin ang mga paratang sa Vice President,” diin ng OCTA.

Noong Pebrero 5 pa inimpeach ng Kamara si Duterte, suportado ng mahigit 200 kongresista, pero hanggang ngayon, wala pa ring trial!

Sa halip na simulan agad, ipinagpaliban ng Senado para raw bigyang-daan ang mga “prayoridad” na batas. Mula Hunyo 2, na-reschedule pa ito sa Hunyo 11.

Samantala, may mga bulung-bulungan na sina Sen. Bato dela Rosa at ilan pang kaalyado raw ni Duterte ay naghahain ng resolusyon para ibasura ang impeachment case — isang hakbang na tila suntok sa banga laban sa sigaw ng publiko.

Kabilang sa mga mabibigat na paratang kay Duterte:

  • Graft at korapsyon
  • Paglabag sa Konstitusyon
  • Pagtataksil sa tiwala ng publiko
  • Pagkamal ng yaman
  • Paggamit sa confidential funds sa kaduda-dudang paraan

Lahat ito ay itinanggi ng Bise Presidente.