Matinding dismaya at galit ang nararamdaman ngayon ng pamilya ng isang taong gulang na sanggol laban sa pamunuan ng Amang Rodriguez Medical Center (ARMC) sa Marikina City.
Ito’y matapos umanong maging biktima ng “maling sistema” at kawalan ng koordinasyon ng mga doktor ang kanilang anak na kasalukuyang naghihirap dahil sa malalang lapnos sa katawan.
Nagsimula ang kalbaryo ng biktimang si alyas “Marcus” nang mabuhusan ito ng kumukulong tubig ng kanyang yaya na si alyas “Ruby”, 57-anyos.
Ayon sa mga magulang na sina Daphine at Mark, dalawang araw pa lamang naninilbihan ang yaya nang maganap ang insidente sa Brgy. Malanday.
Nagpakulo umano ng tubig ang yaya para ipaligo sa bata ngunit nalito ito at naibuhos ang purong mainit na tubig sa likuran ng sanggol, na nagresulta sa pagkalapnos ng balat mula leeg hanggang paa.
Bagamat mabilis na naisugod sa ARMC at nabigyan ng paunang lunas, dito na nagsimula ang sunod-sunod na aberya.
Inirekomenda ng attending physician ng Burn Unit na isailalim sa scraping (pagkayod ng sunog na balat) ang bata. Dahil dito, pinag-ayuno (fasting) ang sanggol ng 24 oras.
Matapos ang mahabang paghihintay, laking gulat ng mga magulang nang sabihin ng isang resident physician na dehydrated na ang bata at dapat na itong padedehin—isang malinaw na indikasyon ng kawalan ng maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga doktor.
Makalipas ang dalawang araw, saka lamang inamin ng management ng ARMC na hindi nila kayang gawin ang procedure.
Ayon sa ospital, hanggang 30% degree burn lamang ang kanilang kapasidad, habang ang bata ay mayroong 40% degree burn.
Dahil sa kakapusan sa pera, hindi mailipat ng mga magulang ang bata sa pribadong ospital. Sa kabila ng pangako ng ARMC na iko-coordinate ang bata sa ibang pampublikong pasilidad, nananatili pa rin ang sanggol sa kanilang pangangalaga hanggang sa kasalukuyan nang walang malinaw na aksyon.
“Ano bang klaseng protocol ito? Bakit hindi magkakaisa ang opinyon ng mga doktor at bakit ngayon lang sinabi na hindi pala nila kaya ang kaso ng anak ko?” hinaing ng magulang.
Ang panibagong reklamong ito ay lalong nagpabaon sa imahe ng ARMC, na matatandaang naging kontrobersyal din noong nakaraang linggo matapos ang insidente ng pagdukot o pag-kidnap sa isang bagong silang na sanggol sa loob mismo ng naturang pagamutan. (Arnold Pajaron Jr)
