Mainit ngayon ang tensyon sa pagitan nina Batangas Representative Leandro Leviste at Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla matapos kumpirmahin ng huli na isinasailalim na sa imbestigasyon ang mambabatas dahil sa umano’y “pagbebenta” ng prangkisa ng kanyang solar energy business sa bilyonaryong si Manny V. Pangilinan (MVP).
Sa isang panayam sa DZRH nitong Sabado, Enero 10, matalim na binalikan ni Remulla si Leviste sa pag-“flip” o pagbebenta ng Solar Philippines kay Pangilinan matapos itong makakuha ng prangkisa para sa solar microgrids noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kasi dapat ’yung prangkisa, ’di dapat ninenegosyo ’yan e. Batang-bata binebenta mo ’yung prangkisa, wala ka bang kahihiyan? Anong klaseng Pilipino ’yan?” banat ni Remulla.
Binigyang-diin din ng Ombudsman na kritikal sa buhay ng bansa ang renewable energy at hindi dapat ito ginagawa lang na paraan para kumita.
Ayon pa kay Remulla, mayroong 84 na kanseladong kontrata ang mga kumpanya ni Leviste, na aniya ay malaki ang epekto sa energy outlook ng Pilipinas. Binanggit din niya na walang pahintulot (consent) ang Kongreso sa paglilipat ng prangkisang ito.
Hindi naman nanahimik ang Batangas Representative. Sa isang social media post, tila sumagot si Leviste sa mga akusasyon ni Remulla at sinabing magpapaliwanag siya sa tamang forum.
“Bibigyan ko kayo ng dalawang linggo para sabihin ang lahat. Sasagutin ko ang lahat sa pagbubukas ng Kongreso sa January 26,” pahayag ni Leviste.
Samantala, naglabas ng pahayag nitong Linggo, Enero 11, ang Meralco PowerGen Corporation (MGEN)—ang kumpanya sa ilalim ni MVP na bumili ng share sa negosyo ni Leviste.
Nilinaw ng MGEN na ang binili nilang kumpanya na SP New Energy Corporation (SPNEC) ay hiwalay at kaiba sa Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) na siyang may hawak ng congressional franchise (RA 11357).
Giit ng kumpanya, hindi sila kumuha ng anumang share sa SPBC at ang kanilang pamumuhunan ay hindi nakadepende sa nasabing prangkisa.
Sinabi rin nito na dumaan at naaprubahan ng Philippine Stock Exchange (PSE) at SEC ang kanilang transaksyon.
Matatandaang noong nakaraang Oktubre, ibinunyag ng Department of Energy (DOE) na 21 solar energy contracts ng Solar Philippines ang kasalukuyang tinititigan para sa terminasyon dahil sa bigong pag-abot sa mga target.
Ayon sa mga kritiko, tila “ginagamit” o “gina-game” ang sistema ng renewable energy sa bansa para sa personal na kita sa halip na tunay na serbisyo.
Nakatakdang abangan ng publiko ang pagbabalik ng sesyon sa Kongreso sa Enero 26 para sa pormal na sagot ni Leviste sa mga mabibigat na akusasyong ito.
