Tahasang binalewala ng Palasyo nitong Linggo, Enero 11, ang mga kumakalat na balita hinggil sa posibleng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at tinawag itong mga pahayag na walang basehan.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, ang mga naturang usap-usapan ay ituturing na “unsubstantiated statements” na nagmumula lamang sa mga tagasuporta ng isang partikular na politiko.
Nag-ugat ang usapin matapos ihayag ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City Rep. Edgar Erice sa isang panayam sa radyo na may naririnig siyang plano mula sa ilang miyembro ng Kamara na simulan ang impeachment proceedings laban sa Pangulo.
Binanggit ni Erice na ang “betrayal of public trust” ang posibleng maging batayan ng reklamo, partikular na ang kaugnay sa kontrobersya ng kurapsyon sa flood control projects.
Mariing binigyang-diin ng Malacañang na hindi magpapadala ang administrasyong Marcos sa mga espekulasyon at “political maneuverings.”
“Nananatiling nakatuon ang Pangulo sa pamumuno at sa paghahatid ng resulta para sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Castro. Dagdag pa niya, nirerespeto ng Pangulo ang prosesong konstitusyonal at naniniwalang ang anumang aksyon ng Kongreso ay dapat nakabatay sa katotohanan, batas, at interes ng nasyon.
Todo-suporta naman ang ilang lider ng Kamara sa Pangulo at binatikos ang mga kumakalat na tsismis.
Binigyang-diin ni Deputy Speaker Rep. Paolo Ortega V na ang impeachment ay isang seryosong proseso na nangangailangan ng matibay na ebidensya, panunumpa, at dokumentasyon. Hindi aniya ito dapat gamitin bilang “political weapon.”
Sinabi naman ni Deputy Majority Leader Rep. Zia Alonto Adiong na hindi magpapadala ang Kamara sa mga kwentong politikal at ang bawat reklamo ay dapat husgahan ayon sa legal na merito nito.
Ang usap-usapan tungkol sa impeachment laban kay Marcos ay lumulutang sa gitna ng nalalapit na pagtatapos ng “one-year ban” sa paghahain ng reklamo laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang noong Hulyo 2025, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente, dahilan upang sa Pebrero 6, 2026 pa muling makapaghain ng kaso laban dito.
Sa huling survey ng Pulse Asia noong katapusan ng 2025, naitala ang 48 percent disapproval rating para kay Pangulong Marcos Jr., na bahagyang mataas kumpara sa 44 percent noong Setyembre.
