MULING kinalampag ng isang Pilipinong naninirahan sa Netherlands ang mga otoridad doon upang hilingin ang pagpapatalsik (expulsion) laban kay dating Malacañang spokesperson Harry Roque.
Nitong Sabado, muling nagsumite ng petisyon si Joel Vega sa Dutch authorities.
Ayon kay Vega, inaabuso umano ni Roque ang demokratikong kalayaan sa Europa para atakihin ang mga katunggali sa politika sa Pilipinas habang umiiwas sa pananagutan sa batas.
“Hindi dapat maging lisensya ang paninirahan sa ibang bansa para mang-insulto ng iba nang walang pananagutan. Ang mga indibidwal na tulad ni G. Roque ay naghahasik ng dibisyon habang nakikinabang sa proteksyon ng malayang pagpapahayag sa Europa,” anang pahayag ni Vega sa deskripsyon ng kanyang petisyon.
Binigyang-diin din ni Vega na “baseless” o walang basehan ang claim ni Roque na siya ay biktima ng political persecution dahil malaya pa rin naman itong nakakapuna sa administrasyong Marcos.
Kasalukuyang itinuturing na “wanted” sa Pilipinas si Roque dahil sa arrest warrant na inilabas ng regional trial court sa Pampanga para sa kasong non-bailable qualified human trafficking.
Ang mga reklamong ito ay kaugnay sa umano’y partisipasyon sa operasyon ng Lucky South 99, isang ilegal na POGO hub na sinalakay dahil sa mga aktibidad ng torture at human trafficking at ang kanyang papel bilang legal counsel at umano’y pag-oorganisa sa nasabing illegal firm.
Sa kasalukuyan, naghahanap ng asylum si Roque sa mga bansa sa European Union (EU).
Matatandaang tinanggihan ng Netherlands ang kanyang asylum request noong nakaraang taon at inutusan siya sa ilalim ng Dublin Regulation na magtungo sa Austria, ang bansa kung saan nagmula ang kanyang visa.
Nanatili si Roque sa Netherlands dahil sa umano’y medical condition na nagbabawal sa kanyang lumipad, at upang samahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap naman sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Noong Nobyembre 2025, kinansela na rin ng gobyerno ng Pilipinas ang pasaporte ni Roque upang limitahan ang kanyang paggalaw sa ibang bansa habang hinihintay ang kanyang pagbabalik para harapin ang mga kaso sa korte.
