Walang “law-law” na pangarap sa taong may diskarte at pananalig!
Ito ang pinatunayan ng 59-anyos na si Eduardo Regio matapos niyang pasabugin ang balita na isa siya sa mga bagong abogado sa bansa!
Sa gitna ng libu-libong kabataang examinees na nag-abang sa Korte Suprema nitong Miyerkules, agaw-eksena si Lolo Eduardo dahil sa kaniyang tindi ng “fighting spirit.”
Biruin mo, 11 beses na sumubok sa Bar exams si Regio bago tuluyang nakuha ang matamis na “Yes!” Mula pa noong 1993, laban kung laban na siya, pero sadyang mapagbiro ang tadhana. Inabot siya ng “five-strike rule” noong 2005, pero hindi siya natinag.
Kahit may iniindang katarata sa mata na nakatakdang operahan, hindi ito naging hadlang para muling humarap sa mga pahina ng batas.
“Habang may buhay, may pag-asa. Ipagpatuloy niyo lang ang pakikipaglaban,” hirit ni Regio habang kinakapanayam ng media.
Aminado si Regio na naging “mayabang” siya noong una kaya laging semplang, pero sa 2025 Bar, ibinaba niya ang kaniyang pride at isinuko ang lahat sa Itaas. Nag-refresher course siya sa PUP at doon nag-review nang todo.
At ang bunga? Kasama na siya sa 5,594 na mapalad na Bar passers ngayong taon!
Ayon kay Regio, ang kaniyang pagsisikap ay hindi lamang para sa sarili kundi para magsilbing inspirasyon sa kaniyang limang anak at mga kamag-anak. Nais niyang maipakita na kahit hindi nakapagtapos ang kaniyang mga magulang noon, kaya niyang buksan ang pinto ng tagumpay para sa susunod na henerasyon.
Sa ngayon, habang nagbubunyi ang mga taga-University of the Philippines (UP) dahil sa kanilang topnotcher na si Jhenroniel Rhey Sanchez (92.70%), hindi rin nagpapahuli ang kwento ni Atty. Eduardo Regio—ang ama na nagpakitang ang pagiging abogado ay hindi karera, kundi bunga ng tiwala at walang sawang pagtitiyaga! (MINA PADERNA)
