Inunsyo ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpapatupad ng isang komprehensibong three-year plan mula 2026 hanggang 2028 upang palakasin ang puwersa ng kawanihan at itaas ang kalidad ng serbisyo sa seguridad at rehabilitasyon.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., target nilang itaas ang bilang ng mga authorized positions mula sa 8,589 ngayong 2025 patungong 10,589 sa taong 2028. Ang hakbang na ito ay gagawin sa pamamagitan ng phased approvals upang matiyak na balanse ang dami ng tao sa pangangailangan ng kawanihan.
Sa huling datos nitong Disyembre 31, 2025, umabot na sa 8,749 ang filled positions sa BuCor, na katumbas ng 92.58% fill rate—mas mataas kumpara sa 89.82% noong nakaraang taon. Sa kasalukuyan, binubuo ang hanay ng 8,022 Correctional Officers (COs), 442 Correctional Technical Officers (CTOs) at 262 Civilian Staff
Gayunpaman, binigyang-diin ni Catapang na mayroon pa ring 699 na bakanteng posisyon na kailangang punan upang masiguro ang operational efficiency.
Inamin ng opisyal na isa sa kanilang mga hamon ay ang imbalance o hindi balanseng distribusyon ng ranggo, kung saan karamihan sa mga personel ay nasa entry-level roles.
Bukod dito, pinaghahandaan din ng BuCor ang mga inaasahang pagreretiro at high rate of attrition o pag-alis sa serbisyo. Upang matugunan ito, paiigtingin ang recruitment at pagpapaunlad sa internal talent para ihanda ang mga kawani sa mga susunod na leadership roles.
Bilang suporta sa modernisasyon ng kanilang workforce, naglaan ang BuCor ng P7.3 milyon para sa training at development. Simula sa unang quarter ng 2026, nakatakdang isagawa ang mga sumusunod na mandatory career courses:
1. Corrections Officer Basic Recruit Course (COBRC)
2. Corrections Officer Junior Supervisory Course (COJSC)
3. Officer Candidate School-Corrections Officer Candidate Course (OCS-COCC)
“Ang mga kursong ito ay idinisenyo upang armasan ang ating mga personel ng sapat na kaalaman at kasanayan para harapin ang mga natatanging hamon sa kanilang tungkulin,” pahayag ni Catapang. (Mina Paderna)
