Malagim na trahedya ang bumalot sa gitna ng dambuhalang Traslacion 2026 matapos bawian ng buhay ang isang beteranong photojournalist habang tinutupad ang kaniyang tungkulin nitong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Itoh Son, ang matikas na photographer ng pahayagang Saksi Ngayon, na hindi na umabot nang buhay sa ospital matapos itumba ng atake sa gitna ng siksikan ng mga deboto.
Base sa initial report ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nakita na lamang ang walang malay na katawan ni Son na nakahandusay malapit sa Manila Police District (MPD) Station 5.
Agad rumesponde ang mga medic at tumambad sa kanila ang nakapanlulumong eksena—wala nang pulso ang nasabing photojournalist.
Nagmistulang milagro pa sana ang nangyari dahil habang isinusugod ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, nagawang “maibalik” ng tropa ng MDRRMO ang pulso nito sa loob ng ambulansya.
Pero sa kasamaang palad, hindi na kinaya ng katawan ni Son ang tindi ng kondisyon. Kinumpirma ng kaniyang kaanak na tuluyan na itong binawian ng buhay sa loob ng ospital.
Nabatid na ilang araw na umanong may flu ang biktima ngunit patuloy pa rin sa pagtatrabaho at pagtutok bago ang Traslacion kabilang na ang tradisyunal na ‘Pahalik’.
Si Son ay kilala sa industriya bilang isang dedikadong kumuha ng mga “action shots” sa bawat okasyon. Sa gitna ng init, tulakan, at debosyon sa Itim na Nazareno, tila ang mismong coverage na ito ang naging huling sulyap niya sa mundong kaniyang kinukuhanan ng retrato.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang mga kasamahan sa hanay ng media para sa namayapang kasamahan na namatay sa “line of duty.” (Arnold Pajaron Jr)
