Isang mas malinis at mas maayos na Cainta ang ibinibida ni Mayor Kit Nieto sa ilalim ng kanyang Townwide Sweep Program, na may layunin na gawing isa ang bayan sa pinakamalinis sa buong Pilipinas ngayong 2026.
Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ang mga preparasyon sa naturang programa upang maikintal sa isipan ng mga residente ang disiplina at responsibilidad sa kapaligiran.
Sentro ng kampanya ang temang “Tapat ko, Sagot ko,” kung saan hinihikayat ng alkalde ang bawat taga-Cainta na pangunahan ang paglilinis sa harap ng kanilang sariling mga tahanan at establisyimento.
“Isa itong paraan para hikayatin ang lahat ng taga-Cainta na maging responsable sa kung ano ang nasa harap ng kanilang mga lugar,” ani Nieto.
Kabilang sa tinututukan ng programa ang wastong segregation ng basura, paglilinis ng dumi ng alagang hayop, pagtanggal ng illegal parking, pag-aayos ng hindi natutuning mga puno, at paglilinis ng mga kalat sa lansangan.
Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga residente at negosyante. Hinati sa dalawang kategorya ang saklaw ng programa—residential at commercial establishments. Sa mga residential area, inaasahang araw-araw na pananatilihing maayos at malinis ng mga residente ang harapan ng kanilang mga tahanan, habang may mga team na regular na iikot upang magsagawa ng inspeksyon.
Layunin umano ng programa na gawing huwaran ang Cainta pagdating sa kalinisan. Sa kasalukuyan, mayroon nang siyam na street sweeping trucks ang bayan na umiikot araw-araw.
Dagdag pa ni Nieto, tuloy-tuloy ang araw-araw na street sweeping, regular na koleksyon ng basura, at ang pag-iikot ng Townwide Sweep Team sa iba’t ibang barangay. Isinasagawa ang koleksyon ng basura isa o dalawang beses sa isang linggo sa mga residential area, habang kada ibang araw naman sa mga commercial establishments.
Kasama rin sa mga hakbang ng LGU ang pag-aayos ng transfer station, paglalagay ng wash pit at dipping area upang maiwasan ang pagkalat ng maruming tubig at basura sa mga pangunahing kalsada. Pinag-aaralan na rin ang pagbili ng mga makabagong makina para mapabilis ang waste processing at recycling, bilang alternatibo sa landfill.
Ayon sa alkalde, may mga espesyal ding team na nakatalaga upang mangolekta ng mga basurang hindi karaniwang kinukuha ng mga basurero gaya ng kahoy, buhangin, bato, sirang kasangkapan at iba pang debris—mga bagay na kadalasang sanhi ng muling pagdumi ng mga lugar.
Sa tulong ng Townwide Sweep Program at ng kooperasyon ng mamamayan, umaasa ang lokal na pamahalaan na tuluyang mapanatili ang kalinisan, kaayusan at kaligtasan sa buong Cainta. (Arnold Pajaron Jr)
