Mariing itinanggi ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Representative Martin Romualdez ang mga pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na siya ang mastermind sa likod ng pagbawi ng salaysay ng ilang dating bodyguard na nag-uugnay sa kaniya sa flood control corruption scandal.
Iginiit ni Romualdez nitong Biyernes, Agosto 7, 2026, na ang paratang ng Ombudsman ay nagpapakita ng labis na pagkiling o bias laban sa kaniya habang iginigiit na gawa-gawa lamang ang mga akusasyon sa kaniyang pangalan.
Paliwanag ng dating Speaker na ang pagbawi ng pahayag ng mga testigo ay patunay na walang katotohanan ang mga reklamo ukol sa diumano’y pagtanggap ng maleta-maletang pera mula sa pondo ng bayan.
“I will not be intimidated. I will face every accusation against me, defend myself with the facts, the evidence, and the truth,” pahayag ni Romualdez habang nangakong haharapin ang lahat ng legal na proseso.
Samantala, nilinaw naman ni Ombudsman Remulla sa isang press conference na hindi palalagpasin ng korte at ng pamahalaan ang ginawang pambabaligtad ng tatlong dating bodyguard.
Ayon kay Remulla, mawawalan ng proteksyon ang mga ito at ituturing na hostile witnesses o kaya’y sasampahan ng kasong accessory after the fact dahil sa tahasang pagtatakip sa mga tunay na kaganapan. (KARLO GARCIA)
