Pormal nang natukoy ng Quezon City Police District (QCPD) ang drayber at ang sasakyang ginamit sa pag-iwan ng isa sa mga abandunadong kabaong sa Welcome Rotonda, Quezon City.
Isinagawa ang pagkakakilanlan kasunod ng mabilisang follow-up operation ng mga awtoridad hinggil sa kontrobersyal na insidente.
Sa isinagawang imbestigasyon, inamin ng drayber na inarkila lamang ang kaniyang Toyota Hi-Ace van para sa nasabing lakad.
Isiniwalat pa nito na iba’t ibang sasakyan ang ginamit sa bawat paghahatid ng kabaong, kung saan nagpaluwal ng P8,000 para sa bayad sa drayber habang nakatatanggap naman ng P1,000 ang bawat pahinante na nagbaba ng mga kabaong sa kalsada.
Tiniyak naman ng pamunuan ng QCPD sa publiko na patuloy nilang sinusundan ang lahat ng anggulo at mga impormasyon kaugnay ng kaso.
Nangako ang pulisya na maghahain ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga indibidwal at utak sa likod ng pambubulabog at pag-iiwan ng mga kabaong sa pampublikong lugar.
