Inilantad ng isa sa mga dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na inalok ang kanilang grupo ng P20 milyon hanggang P25 milyon upang bawiin ang kanilang mga affidavit laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at iba pang matataas na opisyal.
Isinagawa ni George Villanon Jr. ang pambubunyag matapos siyang makapagpiyansa sa Las Piñas City Court nitong Biyernes, Agosto 7, 2026.
Bumatikos si Villanon sa apat niyang dating kasamahan na pumayag na mag-recant ng kani-kanilang pahayag, partikular sa isang retired Marine na nag-impluwensya umano sa iba.
“Masasabi ko lang sa kasama ko, sana naisipan ninyo nang mabuti ‘yung sinasabi ninyo… Retired ka na Marines pero ano ang ginawa mo, nagpadala ka sa pera,” pahayag ni Villanon habang iginigiit na buo ang loob ng natitirang grupo na manindigan sa katotohanan.
Kinumpirma rin ng kaniyang legal counsel na si Atty. Levito Baligod na buwan nang nangyayari ang “panliligaw” sa mga dating bodyguard kung saan nagsimula ang alok sa P5 milyon hanggang sa umakyat sa P25 milyon.
Inamin ni Baligod na bukod sa alok na salapi, napilitang lumipat ng kampo ang ilan dahil sa banta sa kanilang seguridad at sa kawalan ng panggastos para bumiyahe patungong Maynila para sa mga imbestigasyon.
Nagtakda ang kampo ni Baligod ng isang press conference ngayong Sabado upang ipakita ang mga text message ng mga kasamahang bumaligtad.
