Bagsak sa kulungan sa Las Piñas City Police Station ngayong Biyernes, Agosto 7, 2026, ang sampu sa mga dating bodyguard ni dating Congressman Zaldy Co matapos na mabigong makapagpiyansa para sa kanilang mga kinakaharap na kasong perjury.
Ang grupo, na kilala sa tawag na “Maleta Boys” dahil sa kanilang mga pahayag ukol sa diumano’y paghahatid ng maleta-maletang pera sa iba’t ibang opisyal, ay sinampahan ng mga kasong perjury ng mga taong kabilang sa kanilang inakusahan.
May kabuuang 4 counts ng perjury ang kinakaharap ng bawat isa na nagkakahalaga ng P72,000 na piyansa kada tao.
Sa 14 na natitirang dating bodyguard (matapos magbaligtad o mag-recant ang apat), tatlo lamang ang matagumpay na nakapagpiyansa habang 11 ang isinilbi ng warrant of arrest nang hindi makapagbayad sa Landbank. Agad naaresto ang sampu habang pinaghahanap pa ang isa.
Binatikos naman ng kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod at sinabing alas-8:30 pa lamang ng umaga ay sinusubukan na nilang iproseso ang piyansa sa korte ngunit hindi ito inaaksyunan.
Giit ni Baligod, tila sinasadyang ipagpaliban ang piyansa para maipit sa kulungan ang kaniyang mga kliyente ngayong weekend kung kailan mas delikado ang kani-kanilang buhay.
