Binatikos ni Senador Robin Padilla ang mga umano’y pagsisikap na maliiton ang puwersa ng “Duterte bloc” sa Senado, kasabay ng pagbibigay-diin na ang kanilang mga pagkapanalo sa eleksyon ay bunga ng tapat na serbisyo at hindi ng pamumulitika lamang.
Sa isang pahayag sa Facebook, iginiit ni Padilla na ang pagiging “topnotcher” nila ni Senador Christopher “Bong” Go sa mga nakaraang halalan ay patunay ng tunay na tiwala ng publiko.
Ayon kay Padilla, na nanguna noong 2022 senatorial elections na may mahigit 26.6 milyong boto, hindi sila iluluklok ng mga Pilipino sa unang pwesto kung wala silang napatunayan bilang mga lingkod-bayan.
“Hindi naman po kami siguro gagawing number 1 na mga senador ng karamihang mga Pilipino kung wala po kaming nagawa bilang mga tao, hindi na po bilang mga pulitiko,” pagmamalaki ni Robin.
Ipinaliwanag niya na ang kanilang serbisyo ay hindi lamang nakabase sa pagiging empleyado ng gobyerno kundi sa “pagmamahal at pagmamalasakit” sa kapwa at sa bayan.
“Ang aming serbisyo sa aming kapwa tao at sa Inangbayan ay hindi po nakabase lamang sa pagiging pasueldo ng taongbayan kundi sa pagmamahal at pagmamalasakit,” dagdag pa niya.
Matatandaang si Senador Bong Go naman ang nanguna sa katatapos lang na 2025 elections, kung saan nakakuha ito ng mahigit 20.4 milyong boto base sa opisyal na bilang.
Ang pahayag ni Padilla ay kasunod ng mga lumalabas na espekulasyon na may ilang miyembro ng Duterte bloc ang nagbabalak na lumipat sa panig ng Senate majority.
Gayunpaman, muling pinagtibay ng dalawang senador ang kanilang katapatan sa naturang grupo, na nananatiling solidong boses sa loob ng mataas na kapulungan.
Sa kasalukuyan, ang Duterte bloc ay kinabibilangan nina Padilla, Go, at Ronald “Bato” dela Rosa, na pawang mga kaalyado ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni Padilla na ang kanilang pananatili sa grupo ay bahagi ng kanilang prinsipyo at hindi matitinag ng mga usaping pampolitika sa loob ng Senado. (APJ)
