Tila isang sirang plaka ang kasaysayan ng agrikultura sa Pilipinas—puno ng pangako ng reporma ngunit laging nagtatapos sa dahas at disgrasya para sa mga tunay na nagbubungkal ng lupa.
Ang pinakabagong ulat mula sa Barangay Casile sa Cabuyao, Laguna, ay isa na namang madilim na kabanata sa mahabang listahan ng mga kontrobersyang kinasangkutan ng pamilya Yulo.
Sa pag-aresto at pagkulong sa dalawampu’t isang magsasaka at residente noong Pebrero 7, muling napatunayan na sa labanang ito, mas matimbang pa rin ang armado at makapangyarihan kaysa sa mga dekreto ng batas at karapatang pantao.
Nakapanlulumong isipin na ang marahas na demolisyong isinagawa ng Laguna Estates Development Corp. (LEDC) at Emirates Security Agency ay hindi pumili ng biktima.
Maging ang mga senior citizen at mga maysakit ay hindi nakaligtas sa pwersahang pagpapaalis sa kanilang mga makeshift camp.
Para sa inyong kaalaman, ang Hacienda Yulo, na sumasaklaw sa mahigit pitong libong ektarya sa Calamba, Cabuyao, at Santa Rosa, ay matagal nang isinailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) matapos ang pagbagsak ng diktadurang Marcos Sr.
Gayunpaman, sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema noong 2006 na nagpapatibay sa pagiging agricultural land nito at sa pagkakasama nito sa CARP, patuloy ang pamilya Yulo sa paggiit ng pagmamay-ari sa natitirang 255 ektarya.
Naku ha!
Ang isyung ito ay hindi lamang usapin ng titulo kundi usapin ng moralidad at hustisya. Ayon sa mga bubwit ng Berdugo, ang pamilya ng dating Environment Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga ay hindi na bago sa ganitong mga alegasyon; matatandaang naging sentro rin sila ng imbestigasyon sa Senado kaugnay ng diumano’y landgrabbing sa Yulo King Ranch sa Palawan. May ganun?!
Bagaman itinanggi ng dating kalihim ang interes sa mga lupain ng gobyerno, ang realidad sa ibaba—ang mga bakod na itinatayo, ang mga armadong guwardiyang nananakot, at ang mga magsasakang kinakaladkad sa kulungan—ay nagpapakita ng isang malalim na kultura ng impunidad.
Ang nagaganap sa Casile ay isang malinaw na repleksyon ng pagkakaantala ng tunay na repormang agraryo sa bansa. Habang nag-aagawan ang malalaking korporasyon gaya ng Ayala Corporation at San Cristobal Realty kasama ang mga Yulo, ang mga magsasaka ng SAMACA-PUMALAG ang nananatiling talo.
Hindi maaaring manatiling bingi ang Department of Agrarian Reform at ang administrasyong Marcos Jr. sa panawagan ng mga biktima.
Ang lupa ay para sa mga nagbubungkal, at hangga’t hinahayaan ng gobyerno na maghari ang dahas kaysa sa hustisya, ang pangakong “Bagong Pilipinas” ay mananatiling isang hungkag na islogan para sa mga nagpapakain sa bansa.
***
Para sa inyong reklamo, sumbong o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
