HINIMOK ang mga Pilipino sa Estados Unidos na tumulong sa pagtunton kay Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at iulat sa US authorities ang kanyang kinaroroonan upang mapabalik siya sa Pilipinas at harapin ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa isang Facebook post, nanawagan si Ree Cabay, isang Filipino na naninirahan sa US, na i-report si Co sa US Immigration and Customs Enforcement (ICE) hotline 1-866-347-2423. Ayon kay Cabay, isa si Co sa mga itinuturing na “pinaka-corrupt” na opisyal ng pamahalaan at kasalukuyang nasa Amerika umano para sa pagpapagamot.
“If you happen to see this individual, please report it to US Immigration and Customs Enforcement… He must return to the Philippines and face the ongoing Senate investigation into the serious allegations of corruption,” ani Cabay.
Dagdag pa niya, kung wala umanong itinatago si Co ay dapat nanatili siya sa bansa at humarap sa bayan.
“Evading accountability while enjoying the comforts of the US is an injustice to the 120 million Filipinos who deserve honest and responsible leadership,” aniya.
Umabot na sa halos 7,000 shares at 6,000 likes ang naturang post, kung saan ipinahayag din ni Cabay ang pagkadismaya sa pagliban ni Co habang patuloy na dumaranas ng pagbaha ang mga Pilipino.
“Remember our fellow countrymen are suffering from flooding while this corrupt official (allegedly) is swimming on people’s money,” dagdag pa niya.
Si Co, na dating chair ng House appropriations committee, ay nagbitiw noong Enero dahil sa diumano’y mga kadahilanang pangkalusugan.
Gayunpaman, ilang kasamahan niya sa Kamara ang matagal nang nananawagang sagutin niya ang usapin hinggil sa mga umano’y insertions sa 2025 national budget at ang papel ng Sunwest Construction and Development Corp., na kanyang itinatag, sa mga flood control projects.
Kamakailan, iniutos ni House Speaker Faustino Dy III ang pagbawi sa travel clearance ni Co at inatasang bumalik siya sa bansa sa loob ng sampung araw matapos matanggap ang pormal na sulat.
