INAMIN ni dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes na nakipagsabwatan umano siya kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa paghahatid ng komisyon mula sa mga flood control projects patungo sa kampo nina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon.
Ayon kay Alcantara, nagsimulang magbaba ng pondo si Bernardo sa kanyang distrito noong 2022, kapalit ang 25 porsiyento para sa tinatawag na “proponent” ng proyekto. Karaniwan umanong may hinihinging advance cut na 5% hanggang 15% matapos ang bicameral conference committee deliberations.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Alcantara na nakatanggap ang kanilang opisina ng P350 milyon na halaga ng proyekto noong 2022, P710 milyon noong 2023, at umabot sa P3.3 bilyon noong 2024, kung saan P2.85 bilyon ay mula sa unprogrammed funds.
Isiniwalat ni Alcantara na inutusan siya ni Bernardo na maglaan ng P30 milyon mula sa isang P300-milyong proyekto para kay Revilla. Bagaman idinawit, iginiit niyang wala siyang direktang naging pakikipag-ugnayan sa senador.
Samantala, sinabi ni Alcantara na si Villanueva ay humiling ng P1.5-bilyong multi-purpose building project noong 2022, ngunit P600 milyon lamang ang naaprubahan. Dahil dito, umano’y binigyan si Villanueva ng proyekto sa ilalim ng unprogrammed appropriations na nagkakahalaga ng P600 milyon. Mula rito, P150 milyon ang naideliber sa isang tauhan ng senador sa Bulacan.
Tungkol naman kay Estrada, sinabi ni Alcantara na ipinakilala siya ni Bernardo bilang proponent ng P355-milyong proyekto para sa pitong pumping stations at floodgates. Gayunpaman, nilinaw niyang wala rin siyang direktang transaksyon kay Estrada.
Sa parehong pagdinig, isiniwalat din ni Alcantara na nakipagpulong siya kay Co noong 2021. Mula 2022 hanggang 2025, tinatayang P24 bilyon hanggang P35 bilyong halaga ng proyekto ang umano’y nai-channel sa pamamagitan ng kongresista para sa DPWH Bulacan First DEO at iba pang distrito.
Isinama rin ni Alcantara sa kanyang sinumpaang salaysay si Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, na umano’y humiling ng listahan ng flood control projects na may kaukulang P1.4 bilyong halaga ng insertions mula 2023 hanggang 2025.
Samantala, iginiit din niya na noong 2022 ay nakapagpasok si dating Rep. Cajayon ng P411-milyong proyekto sa Bulacan First DEO, kung saan nagkasundo umano sila sa 10% na “gastos.”
Kinumpirma ng dating assistant district engineer na si Brice Hernandez ang ilan sa mga binunyag ni Alcantara, aniya’y personal pa nilang inasikaso ang paghahanda ng pera para sa mga proponent.
Subalit, mariing itinanggi nina Villanueva, Estrada, Co, at Cajayon ang akusasyon. Nagpahayag pa sina Villanueva at Estrada ng kahandaang pumirma ng waiver upang buksan ang kanilang bank accounts. Sa isang Facebook post, sinabi naman ni Cajayon na hindi niya personal na kilala si Alcantara o si Hernandez. (MINA PADERNA)
