KINUMPIRMA mismo ng Manila Police District (MPD) na ilang miyembro ng makakaliwang party-list groups ang kasama umano sa mga nanggulo sa Mendiola noong Setyembre 21 Anti-Corruption Rally.
Ayon kay MPD Spokesperson Major Philipp Ines, mismong mga kinatawan ng ilang party-list ang bumisita sa kulungan kung saan nakakulong ang kanilang mga kasamahan na nahuli sa riot.
Batay sa ulat ng pulisya, nagtungo sa detention facility sina Gabriela Rep. Sarah Elago, Kabataan Rep. Renee Co, at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio upang personal na makausap ang mga inarestong indibidwal.
Patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang lawak ng ugnayan ng mga grupong ito sa marahas na pagkilos ng mga kabataang nagpasimuno umano ng kaguluhan sa Mendiola, kung saan ilang menor de edad din ang nasangkot.
Para sa DILG at PNP, hindi basta rally ang naganap kundi isang “teroristang aktibidad” na nakapailalim sa mga anti-corruption protest na ginanap sa Maynila.
