Binanatan ni Manila Rep. Joel Chua si dating Mayor Isko Moreno kaugnay sa isyu ng pagbaklas ng isang covered court at extension office ng city hall sa Sta. Cruz, Maynila para bigyang-daan ang pagtatayo ng isang community center.
Ayon kay Chua, maling siya ang sinisisi ni Moreno dahil ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may responsibilidad na kumuha ng permit mula sa city hall, hindi ang kanyang opisina.
“Ang makakasagot po nyan ay ang DPWH dahil sila po talaga ang nakikipag-ugnayan sa city hall. Ang trabaho po natin ay mag-propose lamang. Hiningi natin ito noong last Congress at napagbigyan naman,” paliwanag ng kongresista.
Hindi rin napigilan ni Chua ang banatan si Moreno: “Putak po siya ng putak, na para pong aso tahol ng tahol eh mali po yung tinatahulan nya,” aniya.
Ipinaliwanag ni Chua na matagal nang plano ang community center na may halfway house, community kitchen para sa homeless, dialysis center, senior citizens’ center, daycare center, at recreational facility.
Dagdag pa niya, noong 2020 pa inaprubahan ang proposal sa panahon ng unang termino ni Moreno pero hindi natuloy dahil sa kakulangan ng pondo.
Binira rin ni Chua ang dating alkalde sa umano’y “pagpapasikat” at paggamit ng isyu para lamang magkaroon ng content sa vlog.
“Hindi pa tapos sa kanya ang eleksyon, may hangover pa hanggang ngayon. Ang ginagawa puro pasikat, puro congressman ng congressman. Ginagaya pa yung dating Pangulo sa pagmumura,” buwelta ni Chua.
Giit pa ng mambabatas, tila pinipili lang ni Moreno ang mga proyektong gigibain, lalo na kung galing sa kanyang mga kalaban sa politika.
“Kagaya po nang giniba niyang barangay hall. Kung talagang iligal, dapat lahat gibain niya. Pero pinipili lang niya yung kay Congressman Valeriano at yung sa akin,” ani Chua.
Tinawag pa ng kongresista si Moreno na “bully na mayor” dahil umano sa panggigipit nito sa mga konsehal at barangay chairman na kaalyado niya. “Alam po ninyo, this is not about Isko Moreno or Joel Chua. This is about the city of Manila and the people of the city of Manila,” pagtatapos ni Chua.
