Nabawi ng Quezon City Police District ang isang Toyota Raize na naiulat na carnapped matapos ang mabilis na follow-up operation ng District Anti-Carnapping Unit.
Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang asawa ng rehistradong may-ari ng sasakyan noong Abril 11, 2026, matapos hindi na maibalik ang naturang unit.
Sa imbestigasyon, lumabas na ang suspek na kinilala sa alyas “Regin” ay nakakuha ng sasakyan sa ilalim ng “boundary-hulog” na kasunduan na nagkakahalaga ng 1,200 kada araw, hindi na umano ito nakapagbayad simula Abril 1 at hindi na rin isinoli ang sasakyan sa kabila ng paulit-ulit na paniningil.
Lumalabas din sa imbestigasyon na isinangla pa umano ang sasakyan sa isang indibidwal na kinilala sa alyas “Arc.”
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang DACU kasama ang complainant sa isang subdivision sa Barangay Holy Spirit Quezon City, kung saan natunton ang sasakyan na nakaparada sa loob ng isang residential area.
Boluntaryo namang isinuko ng taong nakakuha ng sasakyan ang Toyota Raize matapos maipaliwanag ng mga pulis ang pinagmulan ng reklamo.
Naibalik na rin ang sasakyan sa tunay na may-ari matapos maipakita ang mga kinakailangang dokumento. (AR BERNARDO)
