Ryan San Juan
Tahasang binatikos ng grupong Akbayan Youth si Bise Presidente Sara Duterte matapos itong hindi humarap sa unang pagdinig ng House Committee on Justice noong Marso 25.
Ang nasabing hearing ay naglalayong busisiin ang mga seryosong alegasyon ng korapsyon na kinakaharap ng Pangalawang Pangulo.
Ayon kay Khylla Meneses, National Chairperson ng Akbayan Youth, ang hindi pagsipot ni Duterte ay isang malinaw na pag-iwas sa katotohanan at pagtalikod sa kanyang pananagutan sa publiko.
Iginiit ni Meneses na kung wala umanong itinatago ang Bise Presidente, dapat nitong harapin ang imbestigasyon sa halip na magtungo sa kung saan-saan.
Ang imbestigasyon ay nakasentro sa pagsusuri ng mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente, pati na rin ang bilyon-bilyong pisong confidential funds na hanggang ngayon ay nananatiling hindi maipaliwanag.
Inaasahan ding lulutang sa mga susunod na pagdinig ang testimonya ng umano’y bagman ni Duterte na si Ramil Madriaga.
Dahil sa mga lumalabas na ebidensya, nanawagan ang Akbayan Youth para sa agarang pagpapatalsik o impeachment laban kay Duterte.
Binigyang-diin ng grupo na ang mga nawawalang pondo sa kaban ng bayan ay malaking kawalan para sa kinabukasan ng mga kabataan at pamilyang Pilipino na patuloy na naghihirap.
Kasabay nito, muling binuhay ng grupo ang isyu patungkol sa mga kahina-hinalang gastusin at mga karakter gaya ni “Mary Grace Piattos” na naging sentro rin ng usapin sa mga nakaraang pagdinig.
Ayon sa Akbayan Youth, hindi na karapat-dapat manatili sa pwesto ang isang opisyal na tumatakas sa pananagutan.
Nangako ang organisasyon na hindi sila titigil sa kanilang mga pagkilos at paniningil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya.
Para sa Akbayan Youth, ang paglilitis na ito ay isang kritikal na hakbang upang wakasan ang anila’y pang-aabuso sa kapangyarihan at katiwalian sa gobyerno
