December 25, 2024

QC NAGHANDA NG ACTION PLAN PARA SA WEEK-LONG TRANSPORT STRIKE


Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Quezon City kaugnay sa ikinakasang isang linggong tigil pasada.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, may ginawa ng action plan ang lokal na pamahalaan para matulungan ang mga pasaherong walang masasakyan.

Sabi ni Belmonte, ilalagay sa standby ng Traffic and Transport Management Department (TTMD) ang Quezon City Bus Service bus units.

Kabilang sa mga paglalagyan ng bus sa bahagi ng Cubao, Commonwealth Avenue, Welcome (Mabuhay) Rotonda, Novaliches Bayan, LTFRB, East Avenue, Quezon Memorial Circle (QMC) at Fairview Area.

“I have instructed the TTMD to prepare our buses for possible deployment to help our commuters. Makatutulong ang ating mga Q City Bus para mapagaan ang epekto ng transport strike,” pahayag ni Belmonte.

Inatasan na rin ni Belmonte ang lahat ng barangay sa pamamagitan ng Barangay and Community Relations Department (BCRD) na gamitin ang mga barangay vehicles para sa libreng sakay.

Magsasagawa naman ng monitoring ang TTMD at Department of Public Order and Safety (DPOS) sa mga lugar na dagsa ang mga pasahero pati na sa mga lugar na pagdarausan ng protest rallies ng mga drayber at operators.

Magpapakalat din ng pulis ang Quezon City Police District (QCPD) para masiguro na mapananatili ang peace and order.

Hiniling na rin ni Belmonte sa Quezon City Schools Division Office na magsagawa ng asynchronous classes sa susunod na linggo.

Hinikayat din ni Belmonte ang mga may-ari ng establisyemento o opisina na kung maari ay magsagawa muna ng work-from-home arrangements.

Kahit may ilang grupo ng nagsabi na hindi sila sasali sa strike, minabuti na rin namin na handa ang pamahalaang lungsod para tumugon sa ating mga commuters,” pahayag ni Belmonte.