April 29, 2024

Pulis ginawang sex slave ang dalagitang anak

ARESTADO ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos itong ireklamo ng kanyang 14-anyos na anak ng ilang ulit na panggagahasa sa Cebu City.

Sa kalatas ng PNP, arestado ang suspek na naka-assign sa isang special unit ng Cebu Police Provincial Office (CPPO), sa isinagawang manhunt operation sa bayan ng Asturias sa lalawigan ng Cebu.

Batay sa salaysay ng biktima, hindi lamang aniya minsan siya hinalay ng amang pulis – at ang pinakahuli, nangyari di umano noong Marso 17.

Dito na aniya siya nagpasya na isumbong ang pambababoy na ginagawa sa kanya ng sariling ama sa kanyang ina na agad nagtungo sa himpilan ng pulisya para samahan ang anak na magsampa ng reklamo sa kanyang asawa.

Nang akmang dadakpin, hindi na inabutan ng pulisya ang suspek na mabilis tumakas matapos mabatid na may reklamong inihain laban sa kanya ang anak niyang dalaga.

Gayunpaman, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nagtatago ang suspek sa Barangay Langub sa bayan ng Asturias sa nasabing lalawigan – hudyat para agad na puntahan ang naturang lugar kung saan nadakip ang suspek.