Sa layuning mapalakas ang matalino at matatag na sektor ng agrikultura laban sa pabago-bagong klima, dinala ng Department of Science and Technology (DOST) SOCCSKSARGEN ang Project SARAi sa munisipalidad ng Carmen kamakailan.
Ang Project SARAi (Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines) ay ipinakilala sa isang oryentasyon na dinaluhan nina Mayor Rogelio Taliño, mga opisyal ng LGU, at mga teknikal na kawani na nangangasiwa sa pagpaplano ng agrikultura sa lugar.
Sa ilalim ng gabay ni Regional Director Engr. Sammy P. Malawan, ipinaliwanag ng Project SARAi team ang mga layunin at mekanismo ng proyekto.
Binigyang-diin nila ang “capacity-building component” nito kung saan magbibigay ang DOST ng mga pagsasanay (trainings) para sa mga lokal na kawani at magsasaka, technical assistance gamit ang makabagong teknolohiya at patuloy na suporta para sa mas mabilis na pag-unlad ng ani.
Muli ring tiniyak ng DOST XII ang kanilang pangako na palawakin pa ang SARAi sa iba pang mga bayan sa rehiyon, sa tulong na rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato sa pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.
Bukod sa usaping agrikultura, naging bahagi rin ng pulong ang diskusyon tungkol sa planong pagtatayo ng campus ng Philippine Science High School (PSHS) sa bayan ng Carmen.
Ayon sa DOST at LGU, ang panukalang ito ay bahagi ng kanilang pagkakaisa na itaguyod ang agham, teknolohiya, at inobasyon sa pamamagitan ng de-kalidad na edukasyon.
Inaasahang makakatulong ito sa paghubog ng mga susunod na eksperto at siyentipiko na magmumula mismo sa nasabing lalawigan. (MINA PADERNA)
