Opisyal nang tinapos ni Janti Miller ang kaniyang kabanata sa San Beda Red Lions at sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) matapos niyang ihayag ang kaniyang pag-alis sa koponan ngayong Sabado, Enero 17.
Sa isang emosyonal na Instagram post, nilinaw ng star player na wala na siyang balak maglaro pa sa naturang liga, sa kabila ng kaniyang mahalagang papel sa pagkapanalo ng San Beda sa Season 101 championship.
“Hindi ko gustong gawin ito kasama ang iba, ngunit tumatanggi na akong maglaro sa NCAA league,” pahayag ni Miller.
Inamin ni Miller na ang naging desisyon niya ay bunsod ng “misunderstanding” o hindi pagkakaunawaan tungkol sa tsismis na paglipat ng San Beda sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
“Sa kasamaang palad, dahil sa aking nalaman tungkol sa timing ng pagsali ng San Beda sa UAAP, nagpasya akong lumipat,” dagdag niya. “Once a Bedan, always a Bedan. Habambuhay ko kayong susuportahan, naglalaro man ako para sa inyo o hindi.”
May mga bali-balitang kumakalat na target ng San Beda na lumipat sa UAAP sa taong 2027.
Bago pa ang anunsyong ito, matunog na ang pangalan ni Miller sa mga UAAP schools. Matatandaang isang araw matapos ang kampeonato ng Red Lions, namataan si Miller sa crowd ng De La Salle University sa Game 2 ng UAAP Season 88 Finals sa pagitan ng UP at La Salle.
Sa edad na 22, mayroon pang dalawang taon ng eligibility si Miller kung sakaling tumuloy siya sa UAAP.
Bagama’t maikli ang pananatili sa NCAA, nag-iwan ng marka si Miller na may average na 20.4 points, 6.4 rebounds, at 1.1 steals bawat laro. Sa katatapos lang na Finals laban sa Letran, sa Game 1 lamang siya nakalaro matapos patawan ng suspensyon dahil sa dalawang “flopping violations.”
Sa kabila ng kaniyang pagkawala sa huling mga laro, nakuha pa rin ng Red Lions ang titulo sa ilalim ng pamumuno ng Finals MVP na si Bryan Sajonia. (RON TOLENTINO)
