File Photo
Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Linggo, Enero 18, na nagbalik na sa bansa si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan matapos ang ilang buwang pananatili sa Estados Unidos.
Ayon sa ulat ng BI, lumapag ang sinakyang China Airlines flight ni Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo ng umaga.
Kapansin-pansin sa ulat ng kawanihan na dumating ang dating kalihim na “walang naiulat na kasama sa biyahe.”
Ayon sa ulat ng BI, lumapag ang sinakyang China Airlines flight ni Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo ng umaga. Kapansin-pansin sa ulat ng kawanihan na dumating ang dating kalihim na “walang naiulat na kasama sa biyahe.”
Matatandaang umalis patungong Amerika si Bonoan noong Nobyembre 2025 upang samahan umano ang kanyang asawa para sa isang medical procedure.
Bagama’t inaasahang babalik noong Disyembre 17, 2025, hindi ito natuloy dahilan upang bansagan siya ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na “overstaying” at nagbabala pa na maaari itong ma-deport ng gobyerno ng US
Ang pagbabalik ni Bonoan ay kasabay ng mainit na isyu ng katiwalian sa DPWH. Si Bonoan ay isa sa mga sentrong personalidad sa flood control controversy kung saan kasama ang kanyang pangalan sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO).
Noong Setyembre 2025, ibinunyag ang umano’y ugnayan niya sa ilang infrastructure contractors, kabilang ang kumpanyang pagmamay-ari ng business partner ng kanyang anak.
Nitong Nobyembre, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure ang pagsasampa ng patong-patong na kasong kriminal laban sa kanya.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na agad nilang ipinasa ang impormasyon tungkol sa pagdating ni Bonoan sa Department of Justice (DOJ) para sa kaukulang aksyon.
Inaasahang magsisilbi itong daan upang harapin ng dating kalihim ang mga akusasyong ibinabato laban sa kanya kaugnay ng mga maanomalyang proyekto sa ilalim ng kanyang termino. (MINA PADERNA)
