Nanawagan ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) para sa mabilisang reporma sa bansa matapos amyendahan ng pamahalaan ang economic growth targets para sa taong 2026 hanggang 2028.
Base sa bagong proyekto ng gobyerno, inaasahang nasa 5-6% lamang ang paglago ng ekonomiya sa 2026, at aakyat sa 6-7% sa 2028. Ayon sa pamahalaan, bunsod ito ng epekto ng korapsyon sa flood-control projects ng DPWH at ang kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang kalakalan.
Nagbabala ang FFCCCII na hindi dapat maging hadlang ang mga numerong ito sa ambisyon ng bansa. Ayon sa tagapagsalita ng grupo, kailangang puntiryahin ng Pilipinas ang 8% growth o higit pa upang tunay na maramdaman ang pagbabago sa buhay ng mga mamamayan.
“Ang ambisyon ay hindi opsyon—ito ay kinakailangan para sa paglikha ng trabaho, pagbabawas ng kahirapan, at malawakang kasaganahan,” anang FFCCCII. Binigyang-diin din nila ang halimbawa ng Vietnam na nagtala ng 8% growth noong 2025 at target ang 10% sa 2026 bilang patunay na kaya itong makamit sa pamamagitan ng disiplinadong pamamahala.
Upang mapabilis ang pag-unlad ng bansa, inilatag ng FFCCCII ang mga sumusunod na prayoridad:
1.) Paglinang sa Human Capital: Paglalaan ng pondo sa edukasyon at kalusugan para sa de-kalidad na manggagawa.
2.) Laban sa Korapsyon: Pagtatatag ng isang independent na ahensya upang maibalik ang tiwala ng publiko at investors.
3.) Lakas ng Industriya at Agrikultura: Suporta sa lokal na produksyon at pagpuksa sa smuggling.
4.) Diplomasiyang Maka-Ekonomiya: Pakikipag-ugnayan sa ibang bansa na magbubukas ng bagong merkado para sa mga produktong Pinoy.
5.) Imprastruktura at Inobasyon: Pamumuhunan sa digital transformation, R&D, at green technology.
6.) Turismo at Creative Economy: Pagpapalakas sa pagkilala sa Pilipinas sa buong mundo upang makalikha ng mas maraming trabaho. (MINA PADERNA)
