“HIRAYA” na ang bagong pangalan. Pero tanong ng bawat consumer na natutuyuan ng gripo: Nagbago nga ba ang pangalan, o nagpalit lang ng maskara?
Hindi bagong pangalan ang hinihingi ng taumbayan. Serbisyong tapat, sapat, at abot-kaya ang kailangan natin!
Ang dating PrimeWater na Hiraya na ngayon, pilit na ipinagmamalaki ang kanilang mga ipinangakong investment at infrastructure projects. Pero nasaan ang aktuwal na investment? Nasaan ang mga proyektong ‘yan?
Bakit hanggang ngayon, marami pa ring pamilyang Pilipino ang nakararanas ng hindi maaasahan at napakamahal na singil sa tubig?
At ang masakit pa rito—may mga pagkakataong advance collections pa ang sinisingil para sa mga proyektong gagawin pa lang. Bakit ginagawang kapitalista ang consumer sa sarili niyang water system?
Linawin lang natin, mga ka-Berdugo, ang consumer ay nagbabayad ng serbisyo. Ang consumer ay HINDI bangko na pwedeng pagkunan ng puhunan!
BASAHIN: LUCIO CO, SINITA SA PRIMEWATER TAKEOVER: ‘INJUSTICE’ SA 70,000 KABAHAYAN SA BACOLOD
Hindi na ito simpleng reklamo lang sa kanto. Marami na ring Local Government Units at Local Water Districts ang gustong kumalas o repasuhin ang kanilang Joint Venture Agreements dahil sa bulok na karanasan sa serbisyo.
Kaya narito ang malinaw na panawagan ng TAPAT-UFCC sa Department of the Interior and Local Government o DILG:
Tulungan ninyo ang mga LGU na ipaglaban ang karapatan ng kanilang mamamayan!
Imbestigahan ang mga kasunduang ito. Busisiin ang investment commitments, ang mga ipinangakong proyekto, ang water rates, at ang mismong performance.
At higit sa lahat—linawin kung ano ang legal na kapangyarihan at tamang proseso para makakalas ang mga LGU at Water Districts sa mga kasunduang hindi na nagsisilbi sa interes ng publiko.
Lilinawin lang natin, hindi tayo kontra sa private sector. Ang kinokontra natin ay ang serbisyong hindi katumbas ng bawat pisong binabayaran ng consumer.
Kung ang isang partnership ay itinayo para sa publiko, dapat pampubliko rin ang benepisyo. Dapat may malinaw na pananagutan at ramdam ang ginhawa.
Hiraya man ang bagong pangalan… hindi pangalan ang solusyon sa uhaw ng taumbayan.
Bagong serbisyo. Tapat na serbisyo. Abot-kayang serbisyo. At serbisyong may pananagutan!
Para sa Consumer. Para sa Accountability. Para sa Serbisyong Totoo.
