Binigyang-diin ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa ika-12 araw ng impeachment trial ngayong Martes, Agosto 4, na walang umiiral na utos o regulasyon ang Commission on Audit (COA) na nagbabawal sa paggastos ng confidential funds sa loob lamang ng 11 araw.
Sa ginawang cross-examination ng defense spokesperson at counsel na si Atty. Michael Poa kay Roderick Wamil, dating tauhan ng COA Intelligence and Confidential Funds Auditing Unit, pinutol ng kampo ng Bise Presidente ang mga usapin ukol sa COA Joint Circular No. 2015-01 na sumasaklaw sa pag-audit ng mga naturang pondo.
“Meron po bang nagbabawal na gamitin ito (funds) in 11 days?” tanong ni Poa.
“Wala rin po, kaya hindi po namin sinama sa findings namin ‘yong 11 days na disbursement,” kumpirma naman ni Wamil.
Ang kontrobersiyal na paggamit sa P125-milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa loob ng mas mababa sa dalawang linggo ay isa sa mga pangunahing usaping nakapaloob sa Unang Article of Impeachment na inihain ng House prosecution, kaugnay ng diumano’y maling paggamit ng pondo ng OVP at Department of Education (DepEd).
Paliwanag ni Poa sa isang press conference, ang mga inilabas na audit observations at disallowances ng COA—tulad ng P73 milyong pondo ng OVP na inatasan ng komisyon na ibalik at ang pondo sa DepEd na pinalagan dahil sa kulang na dokumento—ay mga paunang obserbasyon pa lamang at hindi pa pinal.
“I have always maintained my position that there is no misuse. There is no misappropriation. Walang napunta, na-divert sa Bise Presidente,” pahayag ni Poa.
Inilabas din ng defense team ang COA Circular No. 92-385 na nagsasabing mahirap at kung minsan ay imposibleng makakuha ng opisyal na resibo sa gitna ng mga intelligence operation.
Subalit kinontra ito ni prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan at sinabing napawalang-bisa na ang 1992 memorandum ng mas bagong 2015 joint circular.
Tinawag din ni Kapunan na parang “scam” ang nangyari, ngunit ipinatanggal ng impeachment court ang salitang ito sa opisyal na rekord matapos umapela ang kampo ni Duterte na hindi ito angkop lalo’t nasa antas pa lamang ng Audit Observation Memorandum (AOM) ang proseso. (KARLO GARCIA)
