Lalo pang pinalakas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya nito laban sa pangaabuso sa mga bata kasunod ng matagumpay na pagligtas sa dalawang magkapatid na diumano’y inabuso ng kanilang sariling ama sa Barangay Napindan, Taguig City, nitong Agosto 3, 2026.
Pinangunahan ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Taguig City Police Station, katuwang ang Barangay Napindan VAWC Desk at City Social Welfare and Development Office (CSWDO), ang matagumpay na rescue operation bandang alas-3:30 ng hapon bilang pagtupad sa isang direktiba na inilabas noong Hunyo 25, 2026.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang 14-taong-gulang na babae ay paulit-ulit umanong ginahasa mula pa noong Hunyo 2026, habang ang kanyang 12-taong-gulang na kapatid na lalaki ay nakaranas din ng pambubugbog mula sa nasabing suspek.
Natapos ang operasyon bandang alas-7:34 ng gabi kung saan ligtas na nakuha ang dalawang menor de edad.
Agad na itinurn-over ang magkapatid sa CSWDO para sa protective custody, psychosocial assessment, at iba pang kailangang tulong. Kasalukuyan na ring inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa suspek para maipasa sa Office of the City Prosecutor.
Binigyang-diin ni NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin ang patuloy na pagprotekta sa mga kabataan sa Kamaynilaan.
“Ang kaligtasan at kapakanan ng bawat bata ay hindi dapat maikompromiso—kahit pa sa loob ng sarili nilang tahanan. Patuloy na paigtingin ng NCRPO ang mga hakbang upang protektahan ang mga menor de edad at tiyaking makakamit ang hustisya para sa mga biktima ng pangaabuso,” ayon kay PMGEN Aberin.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga kaugnay na ahensya upang matiyak ang rehabilitasyon at pangkalahatang kapakanan ng mga nailigtas na bata.
