Pinangunahan ni 7th Infantry “Kaugnay” Division Commander Maj. Gen. Joseph Norwin D. Pasamonte ang arrival honors para kay Acting Commanding General of the Philippine Army (CGPA) Lt. Gen. Donald M. Gumiran sa Fort Ramon Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija, noong Agosto 1, 2026. Ang pagbisita ay kaugnay ng pagdiriwang ng ika-38 anibersaryo ng pagkakatatag ng nasabing dibisyon. Photos by: Cpl. Rodgen V. Quirante, PA/PAO, PA
Pinuri ni Acting Commanding General of the Philippine Army (CGPA) Lt. Gen. Donald M. Gumiran ang mga naging ambag ng 7th Infantry “Kaugnay” Division (7ID) sa kanyang kauna-unahang unit visit kasabay ng pagdiriwang ng ika-38 anibersaryo ng dibisyon sa Fort Ramon Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija, noong Agosto 1, 2026.
Bitbit ang temang “7ID@38: Pamilya at Malasakit – Sandigan Tungo sa Matatag at Matibay na KAUGNAY,“ binigyang-diin ni Lt. Gen. Gumiran ang mga pagsulong ng 7ID sa information at civil-military operations na lalong nagpatibay sa tiwala at kumpyansa ng mamamayang Pilipino sa Hukbong Katihan ng Pilipinas.
Kinilala rin ng heneral ang pamumuno ni 7ID Commander Maj. Gen. Joseph Norwin D. Pasamonte sa pagtatatag ng “Teatro Kaugnay” at sa pambansang pagtatanghal ng “Liyab”—isang orihinal na musikal na itinanghal mismo ng mga sundalo upang pag-alabin ang pagmamahal sa bayan.
Kabilang din sa mga naging tampok sa aktibidad ang pag-unsiyami sa Kaugnay Working Museum at ang paggawad ng parangal sa mga katangi-tanging yunit, opisyal, tauhan, civilian human resource (CivHR), at mga partner ng dibisyon.
Pinarangalan ang 7ID para sa matagumpay na pagbuwag sa Komiteng Rehiyon Gitnang Luzon, pagpapanatili ng kapayapaan sa Central Luzon, at pagkamit ng Army Governance Pathway (AGP) Institutionalized Status dahil sa pagtugon nito sa mga pamantayan ng maayos at transparent na pamamahala.
Patuloy namang kinikilala ng Philippine Army ang kahalagahan ng mga yunit nito sa pagpapatatag ng pagsasanay, inter-agency at multinational partnerships, at cognitive warfare upang mas mapalakas ang kakayahan ng mga tropa sa pagtatanggol sa bansa.
