Larawan mula sa LTFRB
Matapos ang halos isang dekadang pakikipaglaban para sa opisyal na pagkilala, pormal nang ikinatuwa ng mga motorcycle taxi rider ang pagbubukas ng Provisional Authority to Operate (PAO) registration ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa Motorcycle Taxi Riders Organization (METRO), ang naturang hakbang ay hindi lamang isang simpleng prosesong administratibo kundi isang mahalagang mekanismo upang tiyaking ang mga tunay at lehitimong rider na nagsumikap na mailagay sa legal na sistema ang industriya ang siyang magiging bahagi ng hinaharap nito.
Binigyang-diin ni METRO Co-Convenor Jason Luna na isa ito sa pinakamalaking milestone sa kasaysayan ng motorcycle taxis sa bansa.
“Halos sampung taon nating ipinaglaban na kilalanin ang motorcycle taxis bilang lehitimong bahagi ng pampublikong transportasyon. Ngayon, hindi lang legal ang industriya—sinisimulan na ring kilalanin at irehistro ang mga rider na tumulong bumuo rito,” pahayag ni Luna.
Inihayag ni Luna na sa pamamagitan ng malinaw at beripikadong PAO registration, mas napoprotektahan ang kabuhayan ng mga matagal nang nagseserbisyo sa publiko at naiiwasan ang hindi patas na kompetisyon.
BASAHIN: LEGALISASYON NG MOTORCYCLE TAXI ABOT-KAMAY NA AYON SA MGA RIDERS
“Panahon na para unahin ang mga tunay na rider. Kapag malinaw ang registration at beripikado ang mga rider, mas nagiging patas ang pagkakataong kumita at mas napoprotektahan ang kabuhayan ng mga rider na matagal nang nagseserbisyo sa publiko,” ani Luna.
Bukod sa kapakanan ng mga rider, malaking tulong din aniya ang malinis na registry para sa mga pasahero dahil mas natitiyak ang accountability, seguridad, at tiwala ng publiko sa bawat biyahe.
“Kapag malinis ang listahan ng riders, mas malinaw ang accountability, mas ligtas ang biyahe, at mas tumataas ang tiwala ng publiko sa motorcycle taxi industry,” dagdag pa niya.
Ginamit din ng grupo ang pagkakataon upang suportahan ang linis-sistema ng pamahalaan laban sa mga anomalya tulad ng “ghost riders” o overboarding na lumabas sa pamamahagi ng financial assistance.
Ayon kay Luna, ang mga pekeng pangalan sa sistema ay direktang nag-aalis ng oportunidad sa mga lehitimong rider na kumita nang patas.
“Nakita na natin kung bakit kailangan ang industry clean-up. Ang isyu ng overboarding na lumabas kasunod ng pamamahagi ng financial assistance ay nagbunyag ng mga ghost riders at mga pangalang hindi naman dapat kabilang sa sistema. Ang tunay na talo rito ay ang mga lehitimong rider na nababawasan ng oportunidad na kumita, ang mga commuter na umaasa sa ligtas at accountable na serbisyo, at ang publiko na umaasang ang tulong ng gobyerno ay mapupunta sa mga tunay na benepisyaryo. Kaya napakahalaga ng isang malinis, beripikado, at accountable na rider registry,” paliwanag ni Luna.
Pinaalalahanan din ng METRO ang kanilang mga kasamahan na ang legalisasyon ay simula pa lamang ng mas malaking responsibilidad upang panatilihing propesyonal, ligtas, at maayos ang serbisyo.
“Ang pagiging legal ng industriya ay hindi katapusan ng laban—simula pa lang ito. Responsibilidad nating lahat na tiyaking magiging propesyonal, ligtas, at patas ang industriyang ipinaglaban natin sa loob ng halos sampung taon,” giit ni Luna.
Aniya, “Ito ang pagkakataon nating tiyaking ang susunod na kabanata ng motorcycle taxi industry ay mabubuo ng mga tunay na rider na matagal nang nanindigan para rito.”
Tiniyak ng grupo ang patuloy na pakikipagtulungan sa LTFRB, Department of Transportation (DOTr), at mga operator upang bumuo ng mas ligtas at patas na sektor ng transportasyon sa bansa.
