Patuloy na isinusulong ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang pagpapalakas sa kakayahan ng bansa sa larangan ng rocketry at space technology, kabilang ang nakatakdang pagpapatakbo ng kauna-unahang liquid-fueled sounding rocket test launch sa Cagayan sa taong 2027.
Sa isang pahayag ni PhilSA Acting Director General Dr. Gay Jane P. Perez, binigyang-diin nito na ang pakikipagtulungan ng ahensya sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), Ascend International Gateway, at Perigee Aerospace ay naglalayong bumuo ng isang matatag na space ecosystem sa bansa upang makalikha ng magagandang oportunidad para sa mga Pilipinong siyentipiko at inhinyero.
Isinwalat din ni Perez ang suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa nakatakdang sounding rocket launch, na una ring nabanggit sa kaniyang nagdaang State of the Nation Address (SONA).
Ang nakatakdang test launch sa Cagayan ay gagamit ng liquid-fueled rocket na magdadala ng locally developed payload na may bigat na hanggang 2 kilo sa altitude na hindi bababa sa 5 kilometro. Laman ng inisyatibong ito ang kapasidad at pagsasanay ng mga lokal na inhinyero upang magsilbing tuntungan sa pagbuo ng mas advanced na mga launch vehicle at pagtatag ng mga alituntunin sa pagpapatakbo ng isang pambansang spaceport.
Sa ilalim ng Know-How Transfer and Training Program Phase 2, sasailalim sa pagsasanay ang mga napiling Pilipinong inhinyero gamit ang Blue Whale class sounding rocket platform ng Perigee upang palakasin ang kaalaman sa rocket engineering sa bansa.
Nais din ng PhilSA na magtatag ng isang Public-Private Partnership (PPP) para sa pagbuo ng isang Philippine Spaceport. Dahil nakaharap sa Karagatang Pasipiko at malapit sa ekwador, strategic ang lokasyon ng Pilipinas para sa mas ligtas, matipid, at epektibong pagpapakawala ng mga rocket sa kalawakan.
Ayon sa Global Space Economy Report ng Space Foundation, nakatala ng record-high na 153 orbital space launches sa unang kalahati pa lamang ng taong 2026. Inaasahang malalagpasan nito ang 329 launches na naitala noong 2025 dahil sa mabilis na pagtaas ng demand sa buong mundo na hindi na kayang tugunan ng mga umiiral na spaceport sa kasalukuyan.
Target ng PhilSA na gawing hub ng aerospace innovation ang Pilipinas at baguhin ang gampanin ng bansa sa Asya-Pasipiko—mula sa pagiging simpleng gumagamit ng serbisyong pangkawalan patungo sa pagiging provider ng mga serbisyong ito gamit ang angking talento ng mga Pilipino sa sariling bayan. (MINA PADERNA)
