KINUYOG ng mga consumer watchdogs sa Bacolod City ang retail tycoon na si Lucio Co nang tuluyan nitong saluhin ang problemadong PrimeWater Infrastructure Corporation na konektado sa pamilyang Villar.
Ayon sa mga grupong Amlig Tubig at Water Watch Advocates (WWA), ang pagpasok ng Crystal Bridges Holding, Inc. ni Co bilang kapalit ng PrimeWater sa 25-taong joint venture agreement (JVA) sa Bacolod City Water District (BACIWA) ay isang “malinaw na kawalan ng hustisya” para sa mahigit 70,000 kabahayang konsumer ng tubig sa lungsod.
Iginiit ni Bacolod Councilor Wilson “Jun” Gamboa Jr., convenor ng Amlig Tubig, na kahit nagpalit ng may-ari ang PrimeWater, hindi pa rin mawawala sa alanganin ang mga konsumer hangga’t nananatili ang JVA na pirmado noong Nobyembre 2020.
“The JVA is onerous in favor only of PrimeWater. Disadvantageous ito sa BACIWA at sa mga konsumer,” diin ni Gamboa.
Dagdag pa niya, iligal mula sa simula ang naturang kasunduan dahil hindi ito dumaan sa public consultation.
Para kay Gamboa, kayang-kaya ng BACIWA na pamahalaan ang water distribution sa Bacolod nang walang PrimeWater o Crystal Bridges. Kaya panawagan niya:
Para naman kay Wennie Sancho, convenor ng WWA, kahina-hinala ang mabilis na takeover ni Co dahil umano’y ginawa ito nang hindi alam ng BACIWA management at ng publiko.
“Parang may itinatago. Bakit minadali?” tanong ni Sancho.
Hinamon din niya si BACIWA General Manager Sonya Verdeflor na humarap sa mga konsumer at ilatag ang buong katotohanan tungkol sa tunay na estado ng JVA.
Hindi rin pinalampas ng WWA ang panawagan para sa agarang financial audit ng BACIWA, giit na ayaw nilang maiwang nasa limbo ang mga konsumer ng tubig sa Bacolod.
Samantala, sinabi ni Bacolod Lone District Rep. Albee Benitez na handang maglabas ng P3 bilyong puhunan si Lucio Co upang ayusin ang water distribution sa lungsod. Ayon pa kay Benitez, bukas umano ang grupo ni Co na suriin at repasuhin ang JVA.
Mariin ding itinanggi ni Benitez ang alegasyong siya ay incorporator ng Crystal Bridges, kahit pa majority owner na si Co ng Bacolod Real Estate Development Corporation port—negosyong itinayo ng lolo ni Benitez na si Simplicio Palanca.
