Larawan mula sa PNP
Arestado ang isang 26-anyos na security guard matapos umano nitong bugbugin ang kanyang live-in partner habang karga ang kanilang walong buwang gulang na anak sa Gagalangin, Tondo.
Naganap ang karumal-dumal na insidente bandang alas-7:00 ng umaga noong Disyembre 15, 2025, sa loob ng inuupahang bahay ng mag-live-in. Ayon sa pulisya, tumanggi ang 36-anyos na biktima—isang dental secretary—sa umano’y pamimilit ng suspek na makipagtalik, dahilan upang mauwi sa murahan at marahas na pananakit.
Sa gitna ng takot at panganib sa kanyang buhay at sa kanyang sanggol, agad tumawag ang biktima sa Unified 911 Hotline. Ilang minuto lang ang lumipas, rumisponde na ang mga pulis mula sa Gagalangin Police Community Precinct at Raxabago Police Station.
Pagsapit bandang alas-9:00 ng umaga, tuluyan nang naaresto ang suspek sa harap mismo ng bahay matapos siyang positibong ituro ng biktima. Ipinaalam sa kanya ang kanyang mga karapatan ngunit pinili nitong manahimik.
Isinugod ang biktima sa Tondo Medical Center para sa medico-legal examination habang ang suspek ay dinala sa Women and Children Protection Desk. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 at kasalukuyang nakakulong habang inihahanda ang reklamo.
Pinuri ni Acting Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mabilis na aksyon ng mga rumespondeng pulis at ang bisa ng Unified 911. “Sa isang tawag, nailigtas natin ang mag-ina. Bawat segundo ay mahalaga,” ani Nartatez, sabay panawagan sa publiko na huwag matakot magsumbong laban sa karahasan.
