Inilunsad na ng Philippine National Police (PNP) ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng nangyaring aksidente sa trapiko sa EDSA noong Abril 17 na kinasangkutan ng isang markadong bus ng pulisya.
Base sa mga unang ulat, nagbanggaan ang isang PNP-marked Toyota Coaster, na ginagamit sa “Libreng Sakay” program, at isang point-to-point (P2P) bus sa bahagi ng EDSA, Quezon City. Bagama’t walang nasugatan sa insidente, nagtamo ng bahagyang pinsala (minor property damage) ang dalawang sasakyan.
Ayon kay PNP Chief Gen Jose Melencio Nartatez Jr., kasalukuyan nang binu-busisi ng mga awtoridad ang mga operational documents gaya ng trip tickets at dispatch orders.
Layunin nito na malaman kung nasa “official duty” ba ang sasakyan nang mangyari ang banggaan.
“If this was not an emergency or a legitimate operation, then it’s a clear violation of our deployment protocol,” ani Nartatez.
Mariing ipinaalala ni Nartatez na walang “special lane” para sa mga pulis kung wala silang mahalagang opisyal na lakad.
Binigyang-diin niya na ang pagmamaneho ng sasakyang may tatak ng PNP ay hindi lisensya para balewalain ang batas trapiko.
“The marked vehicle is a symbol of service, not a VIP pass. It is not a license to disregard traffic laws,” dagdag ng opisyal.
Iniutos na rin ni Nartatez ang isang administrative review para matukoy kung may pagkukulang sa supervision at para silipin ang command responsibility sa loob ng yunit na may hawak sa nasabing coaster.
Tiniyak ng pamunuan ng pulisya na ang sinumang tauhan na mapatutunayang lumabag sa traffic rules ay mahaharap sa multa at penalties, kaukulang administrative charges at disciplinary action para sa kanilang yunit.
